PH TEAM A KAMPEON SA BIMP-EAGA GAMES

PUERTO PRINCESA — Kumutitap ang Team Philippines A makaraang humakot ng kabuuang 30 golds, 37 silvers at 32 bronzes para dominahin ang 2024 Brunei Darusalam, Indonesia, Malaysia, Philippines (BIMP-EAGA) Growth Area Friendship Games na ginanap sa Ramon V. Mitra Sports Complex dito.

Si La Salle tanker Philip Sahagun ang gumawa ng pinakamalaking ingay para sa hosts na may 5 gold medals makaraang walisin ang lahat ng kanyang limang events – boys’ 200 IM, 4×100 freestyle at medley relays, 200m at 100m backstroke.

Pinangunahan niya ang atake ng Team A na nagresulta sa ikalawang overall crown nito sa regional meet.

Nagbida rin para sa koponan sina trackster Milchay Moreno at swimmer Lora Micah Amoguis na kapwa may dalawang golds at isang silver habang tumapos si jin Jamie Danielle Nirza na may isang gold at isang silver.

Inangkin naman ng Malaysia B (17-16-17) ang runner-up honor na may 50 medalya, sumunod ang Indonesia (14-8-5), at PH Team E (13-8-11), na pinangunahan ni UP standout at PNG multi-champion Quendy Fernandez, sa ikatlo at ikaapat na puwesto, ayon sa pagkakasunod.

Nasa fifth place ang PH’s B (6-6-10), sumunod ang Malaysia A (2-3-2), PH’s D (1-2-10), Brunei Darussalam (1-2-8), at PH’s C (1-2-1).

Noong Miyerkoles ng hapon ay dinomina ng Philippines E ang esports event, kung saan naglaro ang Mobile Legends: Bang Bang, makaraang maitala ang 3-1 panalo laban sa PH’s D, na nagkasya sa silver. Kinuha ng Malaysia at PH’s A ang bronze.

sepak takraw sa Palawan State University (PSU) Gym, inangkin ng Indonesian bets ang men’s at women’s titles habang nakopo ng PH team A ang silver sa parehong kategorya.

Hanggang press time ay idinadaos ang closing ceremony sa Balayong Basketball Covered court kung saan iaanunsiyo ang overall winners at isasagawa ang turnover ceremony para sa susunod na host.
CLYDE MARIANO