KUMPIYANSA ang pamunuan ng Philippine Aquatics Inc. (PAI) na magiging kompetitibo ang mga bagong talento na nangibabaw sa isinagawang qualifying event kamakailan at masusubok ang kanilang kakayahan sa pagsabak sa World Aquatics Swimming World Cup, sa 46th Southeast Asia Age Group Championships at sa 11th Asian Open Water Swimming Championships na nakatakda ngayong taon.
“Congratulations, good luck and break a leg – in that order,” ani Rep. Eric Buhain ng 1st District ng Batangas at PAI secretary general.
“So, they made it past the qualifying, good for them. Hope they sustain their momentum. But I should warn them, the road to greatness has just started for them.”
Iginiit ni Buhain, isang Olympic swimmer at Philippine Sports Hall of Famer, na nagkakaisa ang liderato ng PAI sa programa na mahasa at maihanda nang maaga ang mga batang atleta upang makapagtala ng sapat na world rank points para magkuwalipika sa 2028 Los Angeles Olympics.
“In the next Olympics, our swimmers will join as medal potentials and not just as token participants,” sabi ni Buhain.
Tinitingnan ng PAI ang bago nitong training pool bilang unang batch ng mga atleta na sasanayin at huhubugin sa pamamagitan ng malulupit na training program, na nangangailangan ng higit pang pagpupunyagi kaysa sa pinagdaanan ng mga atleta para malagpasan ang Qualifying Standard Time (QTS) at World Aquatics (WA) points na itinakda sa National Trials nitong nakalipas na buwan sa Teofilo Yldefonso swimming pool sa Malate, Manila.
Ang homegrown star at Southeast Asian Games gold medalist (2022) na si Chloe Isleta, na nanguna sa listahan na may 770 WA points, at SEAG record holder (2023) na si Xiandi Chua (723) ang mangunguna sa women’s team sa World Cup Series (short course) kasama sina Fil-American Cristina Miranda Renner (717) at World Junior Championship semifinalist Micaela Jasmine Mojdeh (690), habang sina Joshua Gabriel Ang (749) at Miguel Barreto (743) ang mangunguna sa men’s team sa Cup Series na binubuo ng kompetisyon sa Oct. 18-20 (Serye 1) sa Shanghai, China; Serye 2 sa Oktubre 24-26 sa Incheon, South Korea; Series 3 sa Okt. 31 hanggang Nob. 2 sa Singapore at Cup Championships sa Dis. 10-15 sa Budapest, Hungary.
Kasama rin sa men’s squad sina Arizona State University mainstay Fil-Am Kyle Gerard Valdez (715), Rian Marco Tirol ((747), Metin Junior Mahmutoglu (726), Rafael Barreto (723), Jerard Dominic Jacinto (733), Nathan Jao (722), Lucio Cuyong II, (664), Raymund Paloma (681), Albert Jose Amaro II (682), at Fil-Canadian Robin Christopher Domingo (665).
Tampok naman sina National Academy in Sports (NAS) scholar Tarlac-based Fil-Am Riannah Chantelle Coleman at US-based Billie Blu Mondonedo, kapwa nakahirit ng tig-tatlong QTS, sa koponan para sa SEA Age Championships (mahabang kurso) na nakatakda sa Disyembre 6-8 sa Bangkok, Thailand.
Makakasama niya sa girls’ team sina Mojdeh, Shania Joy Baraquiel, Ava Samantha Bautista, Liv Abigail Florendo, Sophia Rose Garra, at Bacolod-based Maxene Hayley Uy.
Sanib-puwersa naman sa boys’ team sina Columbian University incoming student Fil-American Gian Santos, kumuha ng limang QTS sa Trials, at Asian Age Group titlist Jamesray Mishael Ajido. Ang iba pang miyembro ng boys’ team ay sina Albert Jose Amaro, Ryian Zach Denzel Belen, Jaydison Dacuycuy, Fil-German Alexander George Eichler, Fil-Mongolian Enkhmend Enkhmend, Ivo Nikolai Enot, Peter Dean at Reiniel Mikos Trinidad.
Inihayag din ng PAI ang komposisyon ng National Team na lalahok sa Open Swimming tilt na nakatakda sa Nobyembre 8-10 sa Hong Kong. Kasama sa listahan ang Ilocos Norte pride na sina Grazielle Sophia Ato, Athea Margarette Lagunay, Athena Chang at Hannah Sanchez, at ang Davao protegees na sina Paulo Labanon, Rafael Cruz, Roy Angelo Rodriguez at Eirron Vibar para sa boys’ team. CLYDE MARIANO