PH TEAM MEMBERS SABAK SA SMART/MVP CPJ TAEKWONDO CHAMPIONSHIPS

TATAMPUKAN ni Olympian Kurt Barbosa ang pagsabak ng mga miyembro ng Philippine Team sa SMART/MVP Sports Foundation National Carlos Palanca, Jr. (CPJ) Taekwondo Championships na nakatakda sa Oktubre 8-9 sa Ayala Malls, Manila Bay, Pasay City.

Paborito sa -54 kgs class ang 23-anyos na si Barbosa, nag-iisang taekwondo jin na isinabak ng bansa sa Tokyo Olympics noong 2021 at two-time Southeast Asian Games champion, sa torneo na inorganisa ng Philippine Taekwondo Association (PTA) bilang bahagi ng qualifying selection ng organisasyon para sa nalalabing slot sa 2023 National Team.

Magsisilbi ring tune-up ang kampeonato sa mga miyembro ng Philippine Team na nakatakdang lumaban sa World Taekwondo Championship sa Nobyembre sa Guadalajara, Mexico; gayundin sa Asian Taekwondo Championships, Asian Junior/Cadet Taekwondo Championships at Asian Indoor Martial Arts Games (AIMAG) na nakatakda sa susunod na taon.

Kasama rin sa kompetisyong itinataguyod ng Philippine Sports Commission (PSC), Philippine Olympic Committee (POC) at MILO ang kasama ni Barbosa sa National University na si Manila 2019 SEAG gold medal winner Dave Cea, National mainstays Arven Alcantara, Alfritz Arevalo, Joseph Chua, at Laila Delo Baby Jessica.

Mahigit 1,000 taekwondo practitioners mula sa PTA affiliated na mga organisasyon, paaralan at club sa buong bansa ang kumpirmadong lalahok sa Kyorugi (libreng sparring) at Poomsae (form) events

Ang Kyorugi ay magtatampok sa Senior, Junior, Cade, Grade School at Toddler fighters para sa parehong lalaki at babae, habang ang Poomsae ay hahatiin sa dalawang events – Recognized (Individual, team & Mixed pair), at Freestyle (Individidual and Mixed pair).

Ang mga varsity player na sumabak sa inter-collegiate championship noong nakaraang linggo na itinaguyod din ng SMART/MVP Sports Foundation ay kasama ring makikipagtuos sa torneo na itinuturing na pinakamahirap at mapaghamon para sa mga miyembro ng Philippine Team.

Hinihikayat din ng PTA ang mga magulang na aktibong gabayan ang kanilang mga anak sa palakasan at inaanyayahan din ang mga mahilig sa contact sports na saksihan ang kaganapan. Magsisimula ang kumpetisyon sa alas-9:ng ­umaga.

EDWIN ROLLON