LAYON NG Filipinas na dagdagan ang export ng pagkain sa pinakamalaking merkado sa pagsali ng bansa sa gaganaping China International Import Expo (CIIE) sa Nobyembre.
Sa isang text message, sinabi ni Vice Consul Mario Tani ng Philippine Trade and Investment Center sa Shanghai, na 50 Filipino companies ang mag-e-exhibit ng kanilang produkto sa pinakamalaking okasyon ng bilihan sa China.
Gaganapin ang pangalawang CIIE sa National Exhibition and Convention Center sa Shanghai sa Nobyembre 5 hanggang 10 ngayong taon.
Nagho-host lamang ang CIIE ng foreign enterprises na nagnanais na makapagbenta sa merkado ng China at walang Chinese manufacturers na papayagan na sumali sa expo.
Habang nagkakaroon ang CIIE ng malaking interes mula sa mga negosyo na tumitingin para palawakain ang kanilang merkado sa China, inanunsiyo ni Chinese Foreign Minister Zhong Shan nitong unang buwan ng taon, na ang expo area ay palalawakin pa ng 30,000 square meters mula sa 300,000 sqm na exhibition area noong 2018.
“This year we will have 500 sqm raw space for food pavilion. Here, we build a Philippine food pavilion and distribute the booths for Philippine food companies,” sabi ni Tani.
Dagdag pa niya na isasama sa Philippine pavilion ang mga produktong agrikultura, processed food, pangmeryenda at iba pang innovative food products.
“Food is a big opportunity in China especially our agricultural products,” sabi ni Tani.
“We have 60 to 70 percent market share for bananas in China, and strong in pineapples. And just recently China has opened its doors to us for young coconut. Durian also might be permitted,” dagdag pa niya.
Binigyang-diin ni Tani na magdadala lamang ang Philippine pavilion para sa CIIE ngayong taon ng food enterprises, ‘di tulad noong nagdaang taon na may mga booth na nagtaglay rin ng consumer goods, tourism, at service outsourcing exhibitors.
Ayon sa Department of Trade and Industry, ang pinakamaraming benta noong nagdaang taon ay mula sa mga produktong agrikultura tulad ng saging, avocado at mga dalanghita o dalandan.
Umabot ang total sales ng Philippine booths noong 2018 sa USD124 million, kung saan ang USD108 million ay mula sa mga order at USD16 million ay sa mga benta sa site. Ang total sales ay lumampas din sa USD50-million na target ng ahensiya para sa unang CIIE.
Binanggit ni Tani na ang ilang kompanya na sumali sa CIIE noong nagdaang taon ay lumawak sa Chinese market.
“Eng Seng, who participated last year, has already been supplying hundreds of tons of fruits this year to China and signed an agreement during the Belt and Road [Forum] last April,” aniya.
Sa kabilang banda, pinirmahan ng Agriculture department ang isang deal para sa banana exports, habang ang Filipinas Organic and Tanduay ay nakipagmiting na sa potential partners para sa kanilang distribusyon sa China. PNA
Comments are closed.