MAAYOS ang mga paghahandang isinasagawa para sa co-hosting ng bansa sa FIBA World Cup, may 72 araw ang nalalabi bago ang pagbabalik sa bansa ng tinatawag na Olympic of basketball.
Inanunsiyo nina Joint Management Committee head John Lucas at Deputy Event Director Erika Dy na ang planning at organization para sa pagdaraos ng event ay halos 80 percent nang kumpleto, kung saan isasagawa ang test event ngayong buwan para ipareho sa World Cup atmosphere.
“On June 27 and 28, we’ll actually have our test event where we will hold games following the FIBA time which is 4 p.m. and 8 p.m. at Smart Araneta and 4:45 p.m. and 8:30 p.m. at the Mall of Asia. So simultaneous mangyayari ang mga laro,” pahayag ni Dy sa kanyang pagbisita sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum nitong Martes sa main lobby ng Rizal Memorial Sports Complex.
Kasama ng dalawa sa session sina PSC chairman Richard Bachmann at local media committee head Virgil Villavicencio.
Kumbinasyon ng UAAP at NCAA teams ang lalaro sa games, na iko- cover nang live upang masubukan ang broadcast side ng coverage.
Kasabay nito, ang transportasyon patungo sa parehong venues ay isa-simulate din, kung saan ang mga laro ay bukas sa publiko.
“This means nakalatag na lahat ng plano. It’s just all about execution,” dagdag ni Dy, dating Ateneo player at coach.
Ang Pilipinas ay unang naging hosts ng World Cup noong 1978, at magiging co-hosts ang Japan at Indonesia sa August 25-Sept. 10 event, kung saan lahat ng playoffs ay nakatakda sa Mall of Asia Arena.
Ang opener ay isang doubleheader sa Philippine Arena na tatampukan ng Gilas Pilipinas kontra Dominican Republic sa main game at Italy versus Angola sa curtain raiser.
Ang formal opening ceremony ay isasagawa sa pagitan ng mga laro.
“This will go beyond the games because we have something special for the fans. We’ll have the opening ceremony, halftime shows. So great value for the fans. Two great games, great opening, halftime shows where you’ll see celebrities,” dagdag ni Lucas.
Iginiit din ni Lucas ang naunang panawagan ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) na lagpasan ang record na 32,000-plus attendance sa isang FIBA game sa pagpuno sa Philippine Arena sa opening day.
Ang record attendance ay naitala sa 1994 World Cup sa Toronto sa finals sa pagitan ng US at Russia.
“We want to really fill up the Philippine Arena. We need to break the record. Let’s make history,” ani Lucas.
-CLYDE MARIANO