PUSPUSAN na ang paghahanda ng bansa para sa kauna-unahang solo hosting nito sa FIVB Men’s World Championship (MWCH) 2025.
Tatlumpu’t isa sa world’s top volleyball nations sa 32-team roster ang darating sa bansa para sa September 12-28 world championship na gaganapin sa SM Mall of Asia Arena at Smart Araneta Coliseum.
“This is the time when the preparations and organization start to be meticulous every single day, it’s the world championship year of the FIVB and as host country for first time—and solo host at that—the mission borders from an excellent to almost perfect hosting of the event,” pahayag ni Ramon “Tats” Suzara, head ng Philippine National Volleyball Federation na noong 2024 ay nahalal na presidente ng Asian Volleyball Confederation at executive vice president ng FIVB.
“We’ve done it before and we’re expected to do it again,” dagdag ni Suzara, na namuno sa co-hosting ng FIBA World Cup noong 2023 bilang pangunahing tagapagpatupad nito.
Nagpataas sa kumpiyansa sa posibleng best-ever edition ng FIVB MWCH 2025 ay ang pangako ng Malacañang na nabuo sa unang top level organization meeting sa Palasyo noong April 30, 2024, na pinamunuan nina First Lady Liza Araneta Marcos at William Vincent “Vinny” Araneta Marcos, co-chair ng Local Organizing Committee (LOC) kasama si Senator Alan Peter Cayetano, na siya ring PNVF chairman emeritus, at Tourism Secretary Christina Garcia Frasco.
Ang commitment ay pinalawak sa One-Year Countdown and Drawing of Lots sa Solaire noong nakaraang Setyembre na agad sinundan ng “Concierto sa Palacio,” isang gabi ng musikahan na idinaos sa Malacañang grounds kung saan mismong sina Presidente Ferdinand R. Marcos Jr., First Lady Marcos at ang batang Marcos ang nag-host sa top FIVB at LOC officials.
Ang Pilipinas ay nasa Pool A kasama ang 11-time African champion Tunisia, current Africa titlist at Paris Olympian Egypt at 2024 Asian championship runner-up Iran.
Ang World No. 1 Poland ay nasa Pool B kasama ang Romania, Qatar at The Netherlands, habang ang Volleyball Nations League champion France ay nasa Pool C kasama ang Korea, Finland at Argentina.
Ang Pool D ay binubuo naman ng United States, Colombia, Portugal at 2010 silver medalist Cuba; ang Slovenia ay nasa Pool E kasama ang Chile, Bulgaria at 2014 bronze medalist Germany; ang 2022 world champion Italy ay nasa Pool F kasama ang Algeria, Belgium at Ukraine; Ang Libya, European league 2023 winner Turkiye at Canada ay nasa Pool G; at ang Brazil, 2024 Challenge Cup winner China, Czech Republic at Serbia ay nasa Pool H.