PH TRACKSTERS HANDA NA SA PARIS OLYMPICS

SISIMULAN ni medal hopeful EJ Obiena ang kampanya ng Philippine athletics sa darating na Paris Olympics.

Ang world no. 2 pole vaulter ay sasabak sa qualification sa August 3 sa Stade de France, alas-10 ng umaga local time (o alas-4 ng hapon sa Manila) kung saan pangungunahan niya ang kampanya ng three-man Filipino tracksters.

Ang pole vault finals ay nakatakda sa August 5.

Samantala, sasalang sina hurdlers Lauren Hoffman at John Cabang-Tolentino sa kani-kanilang heats sa August 4 sa parehong national stadium.

Ang 23-year-old na si Hoffman, isang Fil-American, ay lalahok sa  women’s 400-m hurdles, habang si Cabang-Tolentino ay sasabak sa men’s 110-meter. Si Cabang-Tolentino ay tatakbo sa alas-11 ng umaga  (alas-5 ng hapon sa Manila), na susundan ni Hoffman sa alas-12:30 ng tanghali (alas-6:30 ng hapon sa Manila)

Sinabi ni Philippine Athletics Track and Field Association (Patafa) secretary-general Jasper Tanhueco sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum nitong Martes sa Rizal Memorial Complex na ang lahat ng tatlong tracksters ay nasa  final stages na ng kanilang pagsasanay sa Europe, dalawang linggo bago ang Olympics.

Gayunman ay tumanggi si Tanhueco na magbigay ng prediksiyon sa magagawa ng Filipino tracksters, lalo na si 28-year-old Obiena, na isa sa top medal bets ng Philippine delegation.

“We’re positive about our chances. I don’t want to put pressure on these guys. But we know they’ve been training hard for them to reach this stage,” sabi ng  Patafa official sa session na itinataguyod ng San Miguel Corporation, Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, MILO, Smart/PLDT, at Arena Plus, ang 24/7 sports app ng bansa.

“We just need to believe in our athletes. We’re confident they will perform at the highest level. They’re not there to participate but hopefully win medals for our country.”

Umaasa sina Cabang-Tolentino, na kasaluluyang nasa Spain kasama ang kanyang coach, at Hoffman na samahan ang Philippine contingent sa kanilang training camp sa Metz, France sa July 23 o 24.

Samantala, si Obiena ay nasa isang secluded training camp sa Italy kasama ang kanyang three-man team nina coach Vitaly Petrov, Dr. Antonio Guglieta (osteopath) at  Dr. Sheryl Casuga (sports psychologist).

Ayon kay Tanhueco, wala pang opisyal na pahayag kung kailan darating ang Filipino delegation sa Paris. Ang Olympics ay magbubukas sa July 26.

“We’re waiting for words from the POC. We’re in communication with them on final dates on when we can enter the (Athletes’) Village,” dagdag ng Patafa official.

Si Patafa president Terry Capistrano ay aalis patungong Paris sa July 23 at nakatakdang samahan ang  Team Philippines sa opening ceremony parade kasama si Hoffman.

Si Miguel White ang huling Filipino trackster na nagwagi ng medalya sa  Olympics, nagwagi ng bronze sa men’s 400 meter hurdles sa1936 Berlin Games.

CLYDE MARIANO