LUMIIT ang trade deficit ng bansa sa $4.4 billion noong Mayo sa likod ng pagbaba ng kabuuang external trade, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Ang trade gap noong Mayo ay mas maliit kumpara sa P4.84 billion na naitala noong Abril at sa $5.56 billion na naiposte sa kaparehong buwan noong nakaraang taon.
“In May 2023, the country’s total external trade in goods amounted to $17.28 billion, which indicates an annual decline of -5.1 percent from its level of $18.2 billion in the same period of the previous year,” ayon sa PSA.
Ang exports noong Mayo ay nagkakahalaga ng $6.44 billion, bahagyang mas mataas sa $6.32 billion na naitala sa kaparehong buwan noong nakaraang taon.
Samantala, patuloy na nalampasan ng import costs ang export receipts, sa $10.84 billion na naitala noong Mayo.
Gayunman, sinabi ng PSA na mas mababa ito ng 8.8 percent kumpara sa $11.88 billion na narehistro sa kaparehong buwan noong 2022.
Ang electronics ang bumubuo sa karamihan o 57.5 percent ng exports ng bansa, habang 20.3 percent ng imports.
Nanguna ang China sa listahan ng buyers ng Philippine exports, na bumili ng 16.6 percent ng total exports noong Mayo, kasunod ang United States sa 15.7 percent, at Japan sa 14.4 percent.
Ang China rin ang pinakamalaking pinagkukunan ng imported goods ng bansa na nagsusuplay ng 24 percent ng total imports ng bansa. Sumunod ang Indonesia sa 8.5 percent, at Japan sa 7.3 percent. Ang US at South Korea ay 4th at 5th, ayon sa pagkakasunod.