PH TRADE DEFICIT LUMOBO ($4.706-B noong Nobyembre)

MAHIGIT sa doble ang itinaas ng trade deficit ng bansa noong November 2021 makaraang mataasan ng paglago ng  imports ang exports sa naturang buwan, ayon sa datos mula sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Ang balance of trade in goods (BoT-G) noong November 2021 ay nagkakahalaga ng deficit na $4.706 billion, tumaas ng 119.5% mula sa $2.144-billion deficit noong November 2020, at mas mataas sa $4.018-billion deficit noong Oktubre.

“A deficit indicates that the value of a country’s imports exceeded export receipts, while a surplus indicates more export shipments than imports,” paliwanag ng PSA.

Ang imports para sa buwan ay nasa $10.979 billion, tumaas ng 36.8% mula sa $8.026 billion na naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon, at mas mataas kumpara sa $10.430 billion sa naunang buwan.

Ang pagtaas ay naitala sa lahat ng top 10 major commodity groups, sa pangunguna ng medicinal at pharmaceutical products na tumaas ng 231.1%%, kasunod ang  minerals, fuels, lubricants, at related materials ng 132.4%, transport equipment ng 50.9%, at industrial machinery and equipment ng 23.4%.

Naitala rin ang double-digit growth sa imports ng iba pang food and live animals; miscellaneous manufactured articles; at electronic products para sa buwan.

Ang China ang may pinakamalaking share ng imported goods para sa buwan na may $2.28 billion o 20.8% ng kabuuan, kasunod ang South Korea na may 10.0% o $1.10 billion, Japan na may 9% o $1.08 billion, Indonesia na may 8.4% o $924.35 million, at Thailand na may 6.1% o $671.56 million.

Samantala, ang exports para sa buwan ay naitala sa $6.273 billion o mas mataas ng 6.6% kumpara sa  $5.882 billion sa kaparehong buwan noong nakaraang taon.

Anim sa 10 major commodity groups ang nagrehistro ng annual increases, sa pangunguna ng coconut oil, na lumago ng  95.0%; sumusunod ang electronic equipment and parts ng 33.9%; chemicals ng 31.8%; other manufactured goods ng 15.1%; other mineral products ng 5.7%; at electronic products ng 5.6%.

Naitala ang pagbaba sa exports ng ignition wiring sets; machinery and transport equipment; metal components; at cathodes and sections of cathodes.