LUMAKI ang trade deficit ng bansa ng mahigit 100% sa ikalawang sunod na buwan noong Disyembre kung saan patuloy na lumalago ang imports sa mas mabilis na rate kumpara sa exports.
Sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), ang balance of trade in goods (BoT-G) ay may deficit na $5.213 billion. Tumaas ito ng 112.8% mula sa $2.449-billion deficit noong nakaraang taon, at mas mataas kumpara sa $4.706-billion deficit noong Nobyembre.
“A deficit indicates that the value of a country’s imports exceeded export receipts, while a surplus indicates more export shipments than imports,” ayon sa PSA.
Ayon sa datos, ang total external trade para sa buwan ay lumago ng 25.4% sa $17.754 billion mula $14.157 billion noong 2020, kung saan ang imports ay bumubuo sa 64.7% at exports sa 35.3%.
Ang imports para sa buwan ay nasa $11.483 billion, tumaas ng 38.3% mula sa $8.303 billion noong 2020.
Ang top drivers ng paglago ay ang medicinal and pharmaceutical products na umakyat sa 615.3%; mineral fuels, lubricants, and related materials na tumaas ng 146.15%; cereals and cereal preparations, lumago ng 47.7%; transport equipment na tumaas ng 33.3%; at iron and steel, 33.1%.
“Increases were also seen in miscellaneous manufactured articles, other food and live animals, industrial machinery and equipment, and electronic products,” ayon pa sa PSA.
Ang telecommunication equipment and electrical machinery ang tanging major commodity group na bumaba sa naturang buwan.
Ang annual total import value para sa taon ay nagkakahalaga ng $117.78 billion, tumaas ng 31.1% mula sa $89.81 billion na naitala noong 2020.
Samantala, ang exports para sa buwan ay naitala sa $6.270 billion o mas mataas ng 7.1% kumpara sa $5.854 billion noong December 2020, ngunit mas mababa kumpara sa $6.273 billion noong Nobyembre.
Pito sa major commodity groups ang nagtala ng annual increases, sa pangunguna ng coconut oil na tumaas ng 135.2%, kasunod ang iba pang manufactured goods, 53.5%; chemicals ng 43.0%; machinery and transport equipment ng 19.2%; at electronic equipment and parts ng 16.5%.
Ang annual total export para sa taon ay nasa $74.64 billion, tumaas ng 14.5% mula noong 2020.