LUMAKI ang trade deficit ng Pilipinas noong Mayo kung saan lumago ang imports ng mahigit 30% sa naturang buwan, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Ang balance of trade in goods (BoT-G) ay nagtala ng $5.678-billion deficit noong Mayo, mas mataas sa $5.438-billion deficit noong Abril at sa $3.180-billion deficit sa kaparehong buwan noong nakaraang taon.
Ipinakikita ng trade deficit na mas malaki ang inangkat ng bansa kaysa iniluwas sa isang panahon, habang sa surplus ay mas marami ang iniluwas ng bansa kaysa ipinasok na produkto mula sa ibang bansa.
Sa datos ng PSA, ang Imports ay nagkakahalaga ng $11.988 billion, tumaas ng 31.4% mula sa $9.121 billion noong Mayo 2021 at mas mataas sa $11.490 billion na naitala sa naunang buwan.
Ang annual growth sa imported goods ay pangunahing itinulak ng pagtaas sa halaga ng lahat ng top 10 major commodity groups, sa pangunguna ng mineral fuels, lubricants, and related materials, na umakyat sa 128.7%.
Sinundan ito ng cereals and cereal preparations (65.7%); iron and steel (64.2%); transport equipment (51.1%); at plastics in primary and non-primary forms (17.3%).
Naitala rin ang double-digit increases sa imports ng telecommunication equipment at electrical machinery, 13.0%; electronic products, 12.7%; at industrial machinery and equipment, 11.4%.
Samantala, ang exports para sa buwan ng Mayo ay lumago ng 6.2% sa $6.309 billion mula sa $5.941 billion sa kaparehong buwan noong nakaraang taon. Mas mataas din ito sa $6.141 billion noong Abril.
Ayon pa sa datos ng PSA, pito sa 10 major commodity groups ang nagtala ng annual increases, sa pangunguna ng coconut oil, na tumaas ng 180.5%, other mineral products ng 32.9%, at chemicals ng 23.6%.
Naitala rin ang paglago sa exports ng machinery and transport equipment, 11.9%; other manufactured goods, 2.6%; electronic equipment and parts, 1.3%; at electronic products, 1.3%.
Nagkaroon naman ng pagbaba sa export ng ignition wiring sets, cathodes, at fresh bananas.
Ang total external trade para sa buwan ay nasa $18.298 billion, tumaas ng 21.5% mula $15.063 billion noong Mayo, at mas mataas sa $17.631 billion noong Abril.