NAKAHANDA ang Filipinas na tuparin ang tungkulin nito bilang Country Coordinator ng ASEAN-China Dialogue Relations hanggang 2021.
Ang pahayag ay ginawa ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ginaganap na 33rd ASEAN Summit and Related Summits sa Singapore kung saan kanyang siniguro na makikipag-ugnayan ang Filipinas sa bawat partido upang makamit ang makabuluhang negosasyon at agarang konklusyon ng Code of Conduct sa South China Sea.
Naniniwala ang Pangulong Duterte na maaari namang ipatupad ng lahat ng bansang may interes sa pinag-aagawang karagatan na daanin sa diplomatikong pamamamaraan ang pag-uusap upang maresolba ang isyu.
Ayon sa Pangulo, kabilang sa mga hakbang na maaaring gawin upang hindi na lumala ang sitwasyon ay tulad ng pagpapatupad ng “freedom of navigation and overflight” sa South China Sea na nakasaad naman aniya sa 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Tiniyak din ng Pangulo na magiging maayos at epektibo ang implementasyon ng declaration on the conduct of parties sa South China Sea.
“ASEAN and China are committed to the full implementation and effective implementation of the Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea in its entirety and the expeditious conclusion of an effective Code of Conduct in the South China Sea,” wika ng Pangulong Duterte. EVELYN QUIROZ
Comments are closed.