PH UMANGAT SA GLOBAL CYBERSECURITY RANKINGS

MALAKI ang iniangat ng Pilipinas sa 2024 United Nations Global Cybersecurity Index (GCI) makaraang umakyat sa 53rd mula 61st noong 2020, ayon sa Department of Information and Communications Technology (DICT).

“This remarkable achievement shows the country’s significant progress in securing its cyberspace, bringing it closer to becoming a global leader in cybersecurity,” pahayag ng DICT.

Batay sa report na inilabas noong Sept. 12, ang cybersecurity score ng Pilipinas ay tumaas sa 93.49 points mula 77 points noong 2020, kung saan kailangan na lamang ng bansa ng 1.51 points para makasama sa Tier 1, na kinabibilangan ng world’s best sa cybersecurity laws, technology, organizations, training, at international cooperation.

Ang paglundag ng Pilipinas sa Tier 2 (Advancing) mula Tier 3 (Evolving) ay tinampukan ng improvements sa key areas tulad ng pagkakaloob ng technical skills, pakikipagtulungan sa ibang bansa, pagpapatupad ng cybersecurity, at pagbuo ng kakayahan na labanan ang cyber threats.

Ipinakilala ng GCI ang five-tier level system ngayong taon.

“This is a huge achievement for the Philippines. It shows that our hard work to protect Filipinos online is bearing fruit, but we are not stopping here. We are on the brink of being a global leader in cybersecurity and we will continue working to safeguard our digital world,” wika ni DICT Secretary Ivan John Uy.

Ang kaganapang ito ay sanhi ng pagtutok ng pamahalaan sa pagpapalakas sa cybersecurity sa pamamagitan ng National Cybersecurity Plan (NCSP) 2023-2028, na binuo ng DICT.

Noong Abril, nilagdaan ni Presidente Ferdinand R. Marcos Jr. ang Executive Order No. 58 na nagmamandato sa lahat ng government agencies na pagtibayin ang NCSP 2023-2028, upang matiyak na higit na protektado ang bansa laban sa cyberattacks at online threats.