NAGING maayos ang pagbubukas ng ika-34 na Balikatan (BK) 2018 joint military exercises ng Pilipinas at Estados Unidos sa Naval Education Training Command sa San Antonio, Zambales.
Ang problema nga lang, hindi tulad ng iba pang mga bansa sa Asya, tinututulan ng ilang sektor ang ating Balikatan.
Nangangamba raw ang ilan nating mga kababayan na baka magdulot ng hindi maganda ang aktibidad at pagpunta ng mga dayuhan sa ating bansa.
Baka raw lumaganap ang prostitusyon sa pagdami ng mga Kano, bukod pa sa takot na tumaas ang bilang ng mga tinatamaan ng nakamamatay na sakit na Human Immunodeficiency Virus Infection/ Acquired Immune Deficiency Syndrome (HIV/ AIDS).
Sabagay, hindi rin natin masisisi ang ating mga kababayan na matakot dahil baka nga naman maulit ang ilang insidente ng panghahalay ng ilang sundalong Amerikano sa ating mga kababayan.
Maaari ring maipit ang mga sibilyan sakaling magkaroon ng matinding labanan ang mga sundalo at mga rebelde sa pagdagsa ng mga dayuhang sundalo.
Gayunman, masasabing ‘isolated case’ lamang ang ilang iniulat na pang-aabuso sa mga Pinay sa kamay ng mga banyaga.
Dapat nating isipin ang magandang maidudulot ng Balikatan na naglalayong mapabuti ang hukbong sandatahan ng bawat bansa.
Noong 1951 pa sinimulang isagawa sa bansa ang Balikatan, sang-ayon na rin sa Mutual Defense Treaty sa pagitan ng dalawang nasyon.
Isinasagawa ang Balikatan Exercises ng mga magkakamping hukbo na ang ibig sabihin ay magkabalikat o ‘shoulder-to-shoulder’ upang makamit ang katiwasayan at katatagang panseguridad at ang kahandaang tumugon sa anumang krisis o kalamidad na nagdudulot ng panganib at ligalig sa mamamayang Pilipino.
Ang amphibious landing exercise ay umarangkada na nitong Huwebes sa Zambales habang idaraos naman ang Combined Arms Live Fire Exercise sa Colonel Ernesto Rabina Air Base o Crow Valley sa Tarlac sa Mayo 15. Sa mga nakaraang Balikatan Exercises, palaging iniimbitahan ang mga kagawad ng media para i-cover ang event pero pinagbabawalan na ang mga mamamahayag na gawin muli ito sa event ngayon na sinasalihan ng tinatayang 8,000 tropa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng United States Pacific Command (USPACOM).
Ngunit tandaan na idinaraos ang Balikatan bilang paghahanda sa anumang pagtugon sa mga krisis bunsod ng mga kalamidad at iba pang isyung panseguridad na napakahalagang aspeto ng kooperasyon.
Nauunawaan natin ang AFP kung bakit hindi na pinapayagan ang media na sumilip sa buong pangyayari dahil baka nga naman mapanood ng mga kalaban ang kanilang paghahanda at isa marahil sa mga rason diyan ay ang umiinit na sigalot ng mga bansa sa West Philippine Sea (WPS).
o0o
Si Alex Santos ay broadcaster sa mga programa ng DWIZ 882 tulad ng Ratsada Balita tuwing alas-6 ng umaga; IZ Balita Nationwide Pang-umagang edisyon (7am-8am) at kasalukuyang host ng public service program sa PTV 4, ang KILOS PRONTO, tuwing alas 4 y medya hanggang alas-5 y medya ng hapon, Lunes hanggang Biyernes. Mapapanood ninyo rin ako sa PTV SENTRO BALITA araw-araw sa ala-1 ng hapon. Ipadala ang inyong komento at reaksiyon sa lupaxsantos1@yahoo.com o puwede ninyo akong i-follow sa twitter account @iamalexsantos.
Comments are closed.