PH VISA SA US CITIZENS PUWEDENG IPATUPAD

Salvador Panelo

SA pamamagitan ng isang Executive Order (EO) ay maaari ng obligahin ang mga US citizen na kumuha muna ng Philippine visa bago makapasok sa bansa.

Inihayag ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo, kung nanaisin ni Pangulong Rodrigo Duterte ay maaari itong ipatupad kaagad sa pamamagitan ng isang EO at hindi na kailangang dumaan pa sa kongreso.

Ani Panelo, posible umano itong mangyari sa sandaling ipatupad ng Estados Unidos ang entry ban nito sa mga Philippine officials na nasa likod umano ng “wrongful imprisonment” ni Senadora Leila de Lima.

Ayon pa kay Panelo, hindi naman magiging bias ang bansa sa pagbibigay ng Philippine visa sa mga US citizen basta’t sundin lamang ng mga ito kung ano ang mga requirement o itinatakda ng panuntunan sakaling ipatupad na ito.

Matatandaan na inanunsyo rin ng Palasyo ang pagbawal sa pagpasok sa bansa ng dalawang US senator na siyang nagsulong ng nasabing entry ban.

Gayundin, nilinaw ng Malakanyang na hindi isang banta ang hakbang na ito, bagkus ay isang paalala na ang Filipinas ay indipendiyente  at soberanyang bansa na hindi dapat minamanduhan ng mga dayuhang estado.

Comments are closed.