PH VOLLEYBELLES TODO PAGSASANAY SA JAPAN

PH VOLLEYBELLES

SA LAYUNING mawakasan ang mahabang medal drought, ipinadala ng Philippine Sports Commission (PSC) ang national women’s volleyball team sa isang training camp sa Japan bilang paghahanda sa nalalapit na 30th Southeast Asian Games.

Nagpalabas ang PSC sa pamamagitan ng chairman nito na si William ‘Butch’  Ramirez at ng board of commissioners ng P1.7 million upang suportahan ang 12-day camp na naglalayong mapalakas ang koponan para sa prestihiyosong biennial meet na gaganapin sa bansa sa  November 30-December 11.

Ang koponan ay umalis patungong Tokyo noong Sabado kung saan masusubukan ang kanilang lakas laban sa mga sikat na club teams tulad ng lKashiwa Angel Cross, Yamanashi Chuo Bank, Gunma Bank Green Wings, at  Hitachi.

Makakasagupa rin ng Nationals ang collegiate teams tulad ng Nittai University at  Aoyama University.

“We know that Japan is the gold standard in Asian volleyball. They may not be tall, but they are quick, tactical and very disciplined,” wika ni Ramirez, dating basketball coach sa Ateneo de Davao University bago pinamunuan ang  government sports agency.

“That’s why we’re throwing our all-out support to this training camp. We feel that with just the right training program and exposure winning a medal in the SEA Games will be very possible,” dagdag pa niya.

Sa kabila ng popularidad nito, ang women’s volleyball team ay hindi pa naghahari sa international arena.

Makaraang magwagi ng bronze medal sa 23rd SEA Games sa Bacolod City noomg 2005, ang Nationals ay hindi lumahok sa sumunod na apat na stagings ng meet bago nagbalik sa 28th edition sa Singapore noong 2015 at sa  29th edition sa Kuala Lumpur noong 2017.

Sa pagkakataong ito, ang Nationals ay may golden chance na magwagi, hindi lamang dahil idaraos ang torneo sa bansa, kundi dahil sa presensiya ng ilang top-tier talents tulad nina Filipino-American spiker Kalei Mau at  middle blocker Majoy Baron.

Si Mau ay nagparamdam sa kanyang mahusay na performance sa ASEAN Grand Prix habang si Baron ay itinanghal na  Best Blocker nang makopo ng bansa ang bronze medal sa  first leg sa Nakhon Ratchasima sa Thailand at sa second leg sa Sta. Rosa, Laguna.

Bukod kina Mau at Baron, bahagi rin ng koponan sina veterans Mika Reyes, Jovelyn Gonzaga, Aby Maraño, Frances Molina, Alyssa Valdez, Rhea Dimaculangan, Dawn Macandili at  Mylene Paat.

Kasama rin sina rising stars Maddie Madayag, Eya Laure, Kat Arado at Jia Morado.

Si Shaq Delos Santos ang head coach, habang deputies sina Kungfu Reyes at Brian Esquibel.

Gayunman, sina Valdez at Morado ay inaasahang uuwi sa Biyernes para samahan ang Creamline sa semifinal battle nito sa Premier Volleyball League Open Conference habang babalik ng bansa ang buong koponan sa November 1 para sa Philippine Superliga Super Cup kung saan makaka-harap nila ang dalawang piling local teams at isang university team mula sa Japan.

Comments are closed.