PH VS IRAN SA FIBA WORLD CUP QUALIFIERS

TEAM PH-2

SASAGUPAIN ng TEAM Pilipinas ang Iran na wala si injured big man Greg Slaughter makaraang hindi mapabilang ang 7-foot center sa official 12-man roster para sa  second window ng FIBA World Cup qualifiers na nakatakda ngayong araw.

Hindi pa lubusang gumagaling ang ankle injury na natamo ng Barangay Ginebra stalwart, isang linggo bago ang meet, dahilan upang mapilitan si coach Yeng Guiao na tanggalin siya sa lineup ng koponan para sa laro laban sa Hamed Hadadi-backstopped Iranian unit na gaganapin sa Tehran.

Sa pagkawala ni Slaughter ay ipinasok ni  Guiao si Fil-German Christian Standhardinger sa roster upang magsilbing naturalized player ng koponan para simulan ang fourth window ng qualifying meet sa FIBA World Cup sa susunod na taon sa China.

Maglalaro sina Alex Cabagnot ng San Miguel, Ian Sangalang ng Magnolia at Scottie Thompson ng Ginebra para sa national team sa unang pagkakataon, kasama sina Marcio Lassiter, Paul Lee, Gabe Norwood, Raymond Almazan, Beau Belga, Asi Taulava, JP Erram at Allein Maliksi.

Kahit wala si Slaughter,  naniniwala si Guiao na malaki pa rin ang tsansa ng koponan laban sa Iran side na hindi pa natatalo sa home court  nito basta hindi agad matambakan ang mga Pinoy.

“I just want it to be a close match. I just want it to be tight towards the end against a home crowd, against playing in their home court,” wika ni Guiao.

Dumating ang Team Pilipinas sa Iran kahapon at may dalawang araw lamang para makapag-ensayo bago ang showdown laban sa home team.

Kasalukuyang na­ngunguna ang Iran at Australia sa Group F na may magkatulad na 5-1 kartada, habang nasa solo third ang Filipinas na may 4-2, kasunod ang Kazakhstan (3-3), Japan (2-4) at Qatar (2-4).