(PH walang flood control master plan) ILANG DPWH EXECS PINASISIBAK

UMAPELA ang ilang sektor na alisin sa puwesto ang ilang matataas na opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kasunod ng pag-amin nito na walang flood control master plan ang ahensiya upang mapigilan ang pagbaha sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa tuwing may malakas na ulan o bagyo.

Inamin ni DPWH Secretary Manuel Bonoan sa isang Senate hearing na walang integrated national flood control plans ang ahensiya samantalang may bilyon-bilyon pisong pondo ito para sa iba’t ibang infrastructure projects, kasama na rin ang flood control projects.

Hiniling din ng mga sektor na naapektuhan ng malawakang pagbaha noong nakaraang lingo na magsagawa ang Senado ng imbestigasyon kung may nagaganap na katiwalian sa nasabing ahensiya dahil sa kapabayaan nito na magpatupad ng isang flood control system sa Metro Manila at mga karatig-bayan.

Ang DPWH ay may nakalaang P225 bilyong pondo sa 2024 national budget, kasama na rito ang pagsasagawa at pagkumpuni ng mga nasirang flood control projects sa bansa dulot ng malalakas na bagyo.

Sa isang Senate hearing, inamin ng DPWH na wala pang 30 porsiyento ng flood control projects ang nakumpleto nito sa loob ng dalawang dekada.

Sinabi rin ni Bonoan na mahigit 5,000 flood control projects na ang naisagawa ng ahensiya subalit hindi matukoy ang dahilan kung bakit patuloy pa rin ang malawakang pagbaha sa National Capital Region, Bulacan at Pampanga.

Napag-alaman na si DPWH Undersecretary Robert Bernardo ang flood control project supervisor para sa NCR at Central Luzon, habang si DPWH Undersecretary Cathy Cabral na in-charge sa Planning and Public-Private Partnership Service ay isinisisi naman ang pagbaha sa mga basura na naiipon sa mga waterways. VICKY CERVALES