PH WOMEN’S TEAM PASOK SA WORLD CUP

NAKOPO ng Pilipinas ang kauna-unahan nitong Women’s World Cup berth makaraang gapiin ang  Chinese Taipei, 1-1 (4-3), sa penalties sa 2022 AFC Women’s Asian Cup quarterfinals sa Shree Shiv Chhatrapati Sports Complex sa Pune, India.

Bukod sa pag-usad sa semifinals, ang Pilipinas ay isa sa apat na Asian squads na nakakuha ng slot sa pinakamalaking  international football tournament sa mundo, kasama ang mga kapwa nagwagi sa quarterfinals na China, South Korea, at defending AFC Women’s Asian Cup champions Japan.

“It’s an unbelievable achievement. It’s a moment of history for the country,” wika ni Philippine women’s football team head coach Alen Stajcic. “We’re very proud that we may have inspired the next generation.”

Sa penalty shootout ay tangan ng Chinese Taipei ang  3-2 kalamangan matapos ang mga mintis mula kina Philippine team captain Tahnai Annis, Jessica Miclat, at  co-captain Hali Long.

Gayunman, ang  Taiwanese players naman ang sumablay sa tatlong sunod na penalty shots habang naipasok nina Filipina goalkeeper Olivia McDaniel at striker Sarina Bolden ang kanilang penalties upang ihatid ang koponan sa kanilang unang Women’s World Cup trip.

“It’s really surreal,” sabi ni McDaniel, na itinanghal na  Player of the Match. “It’s make or break right now. You need to show up for the team.”

Ang dalawang koponan ay nagkasya sa  scoreless stalemate sa first half, kung saan ang mga Pinay ay may ilang magandang pagkakataon na maka-goal ngunit hindi sapat para makapasok sa box. Nagpamalas din ang Chinese Taipei squad ng walang humpay na depensa at disciplined passing upang pantayan ang lakas ng kanilang katunggali.

Sa unang apat na minuto ng second half ay umiskor si midfielder Quinley Quezada ng much-needed goal para sa Pilipinas sa pamamagitan ng right foot shot mula sa pasa ni Filipino French defender Katrina Guillou sa loob ng  box.

Magmula nang kunin ng mga Pinay ang kalamangan, ang Chinese Taipei booters ay naging higit na agresibo sa pag-atake sa bola kung saan muntik nang maitabla ni midfielder Wang Hsiang-Huei ang laro sa isang strike sa 79th minute.

Naitabla ng Taiwanese ang laban sa 83rd minute nang gamitin ni midfielder Zhuo Li-Ping ang kanyang kaliwang paa na dumiretso sa itaas ng box.

Makakasagupa ng Pilipinas ang South Korea sa kanilang unang AFC Women’s Asian Cup semifinals stint sa Feb. 3, alas-4 ng hapon (oras sa Pilipinas). CLYDE MARIANO