PH WORKERS PRAYORIDAD SA ‘BBB’

PINOY WORKER

BIBIGYANG prayoridad ng ‘Build, Build, Build’ infrastructure program ng administrasyong Duterte ang pagkuha sa Filipino skilled workers, ayon sa isang opisyal ng Department of Public Works and High-ways (DPWH).

Ang pahayag ay ginawa ni ‘Build, Build, Build’ committee chairperson Anna Mae Lamentillo sa gitna ng pagkabahala ni dating Pangulong Noynoy Aquino sa pagdami ng Chinese skilled workers sa bansa na maaaring mag-take over sa mga trabaho na para sana sa mga Pinoy.

Bagama’t inamin ni Lamentillo ang pagkuha sa  Chinese skilled workers para sa ilang Chinese-funded infrastructure projects, binigyang-diin niya na magiging prayoridad pa rin ng gobyerno ang mga Pinoy.

“Mayroon po sila pero these are for specialized skilled workers pero ‘yung  priority pa rin po natin would be ‘yung mga Filipino construction worker,” wika ni  Lamentillo.

Inamin din niya na kulang pa rin ang Filipino skilled workers subalit umaasa, aniya, siya na ang job fairs tulad ng nalalapit na ‘Jobs, Jobs, Jobs Caravan’ sa Subic sa Pebrero 9 ay magkakaloob sa kanila ng libo-libong job opportunities.

“May lack po talaga tayo of those specialized skills. Because these are methods that we want to learn sana, kaya po tayo kumukuha ng mga  skilled worker from abroad. But in terms of labor force, ngayon po okay naman po,” sabi pa ni Lamentillo.

“We’re doing the ‘Jobs, Jobs, Jobs’ specifically for this — to bridge the gap between Filipino contractors and Filipino laborers,” dagdag pa niya.

Ayon pa kay Lamentillo, ang job fair ay inaasahan ding magbibigay ng trabaho sa mga manggagawa ng Hanjin Heavy Industries Construction Philippines (HHIC Phil.)  na naapektuhan ng rehabilitasyon ng kompanya.

Sa datos ng Department of Labor and Employment (DOLE), ang mga manggagawa ng Hanjin ay nasa 3,745 na lamang mula sa 17,307 noong Marso 2018.

Napag-alaman na nasa 17,000 trabaho ang iaalok sa nasabing job fair at hindi bababa sa 75 contractors ang lalahok dito.