PH YOUNG BOWLERS MAPAPALABAN SA U.S.

BOWLING

MAKIKIPAGTA­GISAN ng galing ang mga Pinoy bowler sa 15th World Bowling Youth Championships simula sa Hulyo 26 sa Detroit, Michigan, United States.

Ang Filipinas ay kakatawanin sa unang pagkakataon nina Ivan Dominic Malig, Joseph Praise Gahol, Merwin Matheiu, Bea Katrina Hernandez, Gellena Grace Gella, Daphne Joy Custodio, at Danielle Denise Lazo sa masu­sing gabay nina coaches Engelberto Rivera at Jojo Canare.

Mahigit sa 50 bansa ang sasabak sa dalawang linggong  torneo.

Tatlong events ang paglalabanan – singles, doubles at masters – sa torneo na may basbas ang World Bowling Association.

Pitong bowlers ang ipinadala sa torneo ng Philippine Bowling Federation, sa pamumuno ni Steve Robles, at sinuportahan ng Philippine Sports Commission (PSC) na pinamumunuan ni Chairman William Ramirez.

Inamin ni coach Rivera na mahirap ang kampanya ng mga Pinoy dahil world class ang kumpetisyon. Umaasa ang Ilokanong coach at dating manlalaro na malalagpasan ng mga Pinoy ang matinding pagsubok at mag-uuwi ng karangalan sa bansa.

“I do hope they would survive the great odd and bring home honors,” sabi ni Rivera.

Kung maganda ang kanilang ipakikita sa nasabing torneo ay isasabak sila sa 2019 Southeast Asian Games na gaganapin sa bansa.

Ang bowling ay consistent winner sa SEA Games at kasama sa ­priority sports ng PSC.  CLYDE MARIANO

Comments are closed.