SUMAKABILANG-BUHAY na kahapon si Dr. Rustico Jimenez, ang pangulo ng Private Hospitals Association of the Philippines, Inc. (PHAPi).
Si Jimenez ay pumanaw sa edad na 72, matapos umanong dumanas ng cardiac arrest.
Mismong ang anak ni Jimenez na si Nina Erica, na nakabase sa Estados Unidos, ang nagkumpirma ng malungkot na balita.
Ayon kay Nina Erica, walang inirereklamong karamdaman ang ama ngunit halata aniyang nanghihina ito dahil sa mataas na blood sugar, bunsod ng sakit na diabetes. Gayunman, ang ikinamatay aniya ng ama ay cardiac arrest.
Nagawa pa umano ni Jimenez na makapagpadala ng text message sa anak bago ito inatake.
“Sinabi ng nurse, base sa timeline ng pag-text niya sa akin, pagkatapos mag-text sa akin doon na siya inatake kasi hawak hawak niya ang telepono niya at nakalagay sa kaniyang dibdib nung siya po ay nawala,” aniya pa, sa panayam sa teleradyo.
Sa paskil naman ng PHAPi sa kanilang Facebook page, sinabi nito na ipinagluluksa nila ang pagkamatay ni Jimenez.
Inilarawan rin nila si Jimenez na isang ‘irreplaceable defender’ at ‘advocate ng karapatan ng mga pribadong pagamutan.’
“The Private Hospitals Association of the Phils., Inc. (PHAPi) mourns the loss of its warrior-leader, Dr. Rustico A. Jimenez, an irreplaceable defender and advocate of the rights of private hospitals,” anito, sa isang pahayag. “The Association condoles with his family for the loss of a loving father.”
Si Jimenez, na isang neurologist, ay pangulo ng samahan, simula pa taong 2007.
Kinumpirma rin ni Nina Erica ang dedikasyon ni Jimenez sa pagsusulong ng karapatan ng mga pribadong pagamutan dahil kahit aniya masama ang pa-kiramdam nito ay dumadalo pa rin ito sa mga Zoom meetings.
Sinasabihan umano nila ang ama na magpalakas at magpahinga ngunit talagang passion nito na tumulong pagdating sa private hospitals association.
Pinasalamatan din ni Nina Erica ang lahat ng taong nananalangin at nagpapaabot ng pakikiramay sa kanilang pamilya ngayong panahong ito. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.