APRUBADO na ng Food and Drug Administration (FDA) ang Phase 3 clinical trial application ng Janssen COVID-19 vaccine, na pagma-may-ari ng Johnson & Johnson.
Sa kabila nito, sinabi naman ni FDA Director General Eric Domingo na ang naturang pag-apruba ay hindi pa rin garantiya na makakakuha ang Filipinas ng vaccine supply sa naturang bakuna dahil wala naman aniya silang ganitong hinihinging requirement sa pag-apruba ng clinical trials.
Sa kabila nito, siniguro naman ni Domingo na beneficial o magiging kapaki-pakinabang sa mga Pinoy ang naturang clinical trials ng Janssen pagdating sa pagpapabilis ng regulatory approval kung mapapatunayang epektibo nga ang naturang bakuna.
“If this turns out to be a good vaccine, it will be easier for us to make authorization,” ani Domingo.
Una nang nakakuha ng pag-apruba mula sa Vaccine Experts Panel (VEP) at Ethics Review Board ang Janssen.
Ang VEP na nasa ilalim ng Department of Science and Technology (DOST) ang nagrerebyu sa Phase 1 at 2 clinical trials ng candidate vaccine habang ang Ethics Review Board naman ang nag-e-evaluate sa seleksiyon ng mga kalahok para sa human clinical trials.
Kaugnay nito, sinabi naman ni Domingo na nakabinbin pa ang aplikasyon ng Sinovac at Clover na kapwa bakuna rin sa COVID-19. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.