INIHAYAG ng pamunuan ng Philippine Navy na pinaghahandaan na nila ang pagde-deploy ng kinakailangang puwersa sa Libya para ayudahan ang Department of Foreign Affairs (DFA) kaugnay sa tatlong overseas Filipino workers (OFWs) na dinukot sa Libya kamakailan.
Ayon kay PN Public Affair Office chief CDR Jonathan V Zata, bilang pagtalima sa direktiba ng kanilang commander in Chief, si Pangulong Rodrigo Roa Duterte, ang Philippine Navy na binubuo ng Fleet-Marine component ay nagpaplano para sa appropriate force package na kanilang ide-deploy bilang tugon sa pagdukot sa tatlong Filipino kasama ang isang South Korean sa Libya.
Una rito ay inatasan ng pamunuan ng PN ang kanilang Liaison Officer, Captain Donn Miraflor PN, na naka-attache sa Combined Maritime Forces na nakabase sa Bahrain, na makipag- ugnayan kay Hon. Boy Melicor, Naval Charge d’Affaires sa Tripoli.
Nabatid na base sa preliminary information na kanilang nakalap kahapon ng umaga, “Libyan authorities have been exerting all efforts for the past month to ascertain the identity of the perpetrators and for the recovery of the kidnapped nationals:”
Sinabi ni Duterte na hindi umano siya magdadalawang-isip na magpadala ng frigate o barkong panggiyera sa Libya para iligtas ang tatlong Filipinong dinukot ng armadong grupo sa North African country.
Ang tatlo ay dinukot kasama ang isang South Korean sa loob ng water project site sa Western Libya noong July 6. VERLIN RUIZ
Comments are closed.