PHIL SPACE AGENCY, PABIBILISIN ANG PAGSULONG NG PINAS

Rep Joey Salceda

PABIBILISIN ang pagsulong ng bansa ng ‘Philippine Space Act (RA 11363)’ na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte kamakailan, at lalo pa nitong iaangat ang antas  sa Global Innovation Index (GII) kung saan pang-54 na ito sa 129 mga bansa.

Pahayag ito ni Albay Rep. Joey Salceda, may-akda ng batas sa Kamara na tumiyak na gagabayan ng batas ang pagpasok ng Filipinas sa ‘international space community. Isa ito sa mga prayoridad ng pamahalaan upang mapangalagaan ang seguridad at  integridad ng pambansang teritoryo. Nililikha nito ang ‘Philippine Space Development and Utilization Policy’ tungo sa higit na kakayahan sa pangkalawakang mga gawain. Nililikha rin nito ang Philippine Space Agency (PhilSA).

Layunin ng RA 11363 na isulong ang paglago ng siyensiya at teknolohiya na lalong magpapatibay ng pagkamakabayan ng mga Filipino, lalo na sa mga bagay na kaugnay ng ‘climate studies,’ pagtugon sa mga panganib, pambansang seguridad, representasyon sa ‘international space community’ at pangkalahatang pag-unlad ng bansa.

Tiniyak din niya na paaangatin ng batas ang antas ng Filipinas sa GII kung saan nilampasan nito ang 19 na bansa nang tumalon ito sa pang-54 mula sa pang-73 noong 2018.

Ipinasa ng Kamara ang PhilSA bill noong Disyembre 2018. Naipasa naman ng Senado ang bersiyon nito nitong nakaraang Mayo. Habang naghihintay itong lagdaan ng Pangulo, buong sipag na ikinampanya ito ni Salceda sa Department of Budget and Management at iba pang opisyal ng gabinite na suportahan ang naturang bill.

Noong 2018, nilagdaan din ng Pangulo ang Balik Scientists Act (RA 11035) na akda rin ni Salceda sa Kamara para tugunan ang kakulangan sa ‘scientists’ na tututok sa ‘research and development’ para makasabay ang Filipinas sa karatig bansa nito sa Asia. May  189 scientists lamang bawat milyong Filipino mayroon ang bansa, malayo sa dapat na 380 bawat milyon.

Sa ilalim ng programa nito, iniulat ng DOST na dumarami na ang mga umuuwing Pinoy scientists na umabot sa 14 sa unang dalawang buwan ng 2019 at tinatayang aabot sa 70-80 na lampas sa target na 60 ngayong taon. Bukod sa PhilSA at Balik-Scientists Act, si Salceda rin ang may-akda ng ‘Science for Change Program (S4CP) Act’ at co-author din siya ng ‘National Innovation Act.’

Pinuna ni Salceda na bahagi na ‘space technology’ ng pang-araw-araw na mga gawain na hindi matutupad kung wala ang mga ‘space systems’ gaya ng ‘satellites’ para sa komunikasiyon, ‘navigation, defense and security, environmental monitoring and disaster assessment.’

Ang PhilSA ay isasailalim sa Office of the President at pamumunuan ito ng isang Director-General. May pauna itong P1-bilyong badyet ngayong taon.

 

0

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *