PHIL-US BALIKATAN 2024 SASAKSIHAN NG 14 BANSA

SASAKSIHAN ng 14 bansang dadalo at magmamasid sa isasagawang pinakamalaking war exercise sa pagitan ng Pilipinas at ng United States kaugnay sa taunang joint Balikatan Exercises.

Ayon kay Col. Michael Logico, executive agent of Phil-US Balikatan 2024, bukod sa dadalong foreign observers sa pinakamalaking joint military exercise ay sasali rin sa opensa maritime drill ang isang Frigate ng French Navy.

Nabatid na ang gaganaping malakihang pagsasanay na may kaakibat na live fire exercise, maritime patrol na tatampukan ng sinking exercise ay sasalihan ng 11,000 sundalo mula sa U.S Armed Forces habang limang libong sundalo naman mula sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas ang sasabak sa nasabing pagsasanay sa susunod na buwan.

Ayon kay Logico, bahagi ng pagsasanay ang gagawing group sail sa West Philippine Sea kung saan makakasama nila ang isang war ship ng French navy na gaganapin lagpas sa 12 nautical miles sa karagatang sakop ng Pilipinas.

Tampok dito ang gagawing sinking exercise o pagpapalubog ng isang decommissioned ship ng Philippine Navy sa Laoag, Ilocos Norte.

Nilinaw ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippine na wala silang bansang pinatutungkulan ng isasagawang malakihang pagsasanay sa darating na Abril 22, 2024.

“All countries big or small has the right to defend itself, this right is absolute and inalienable. we are not deterred by how other countries think about what we are doing ok, i want to make that clear kasi you cannot defend the country worried about what other people are thinking. so they will have to pick it as it is,” ayon kay Logico, spokesperson ng Balikatan 24.

Magugunitang inalmahan ng China ang pagbisita sa Malakanyang ni US State Secretary Anthony Blinken kung saan siniguro ang matibay na alyansa ng Pilipinas at Estados Unidos dahil nagsisilbi umano itong sulsol sa sigalot sa West Philippine sea kung saan hindi naman sila kasali at labas din sa rehiyon.
VERLIN RUIZ