PASIG CITY – NANINDIGAN si Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) acting President and CEO Dr. Roy B. Ferrer na kaniyang lilinisin ang state health insurer mula sa katiwalian at panloloko.
Sa kanyang pagharap sa media kahapon, inamin nito na mayroong mafia o grupong nais siraan ang state health insurer gayundin ang kanyang pamumuno sa pamamamgitan ng pagpapalawak ng balita hinggil sa isang ospital sa Quezon City na ilegal na nag-claim sa dialysis.
Ang pahayag ni Ferrer ay sagot sa news report na maging ang patay na pasyente ay nag-claim ng benepisyo.
Sa statement ng PhilHealth, nanindigan na sa loob ng 24 taon ay napangasiwaan ang social benefits para sa Filipino nang tama subalit inaming mayroon sa kanilang mga partner na nagsamantala rin sa National Health Insurance Program.
“PhilHealth compassion is not reciprocated by some of its partners, instead, some choosing to milk the National Health Insurance Program,” ayon sa statement ng PhilHealth.
Dahil sa panibagong pasabog at mistulang sabwatan ng umano’y hindi masayang grupo sa kasalukuyang liderato ng Phil-Health, tiniyak ni Ferrer na kikilos siya at magpapatulong sa Civil Service Commission (CSC) hinggil sa 38 tao na gumagawa ng alingasngas.
“Sila ‘yung hindi masaya sa reassignment kaya magpapatulong na kami sa CSC, haharapin ko sila, hindi nila masisira ang Phil-Health, not under my watch,” ayon pa kay Ferrer.
“Efforts are currently being intensified to cleanse its ranks against officials and employees out to destroy PhilHealth reputation and gains because of their resistance to reforms and reassignments which are long overdue,” ayon pa sa statement ng PhilHealth.
Paglilinaw naman ng PhilHealth ang 38 katao ay kinasuhan na ng administratibo.
Samantala, kasong falsification at misrepresentation naman ang kahaharapin ng ospital at personalidad na nanloko o nag-claim ng benepisyo sa PhilHealth, ayon kay Atty. Rodolfo del Rosario Jr. SVP-Legal sector.
PHILHEALTH HANDA SA UNIVERSAL HEALTH CARE
Samantala, tiniyak din ni Ferrer na handa ang PhilHealth sa pagpapatupad ng Universal Health Care at may pondo sila para rito.
JOB OPENING
Bunsod pa rin ng pagpapalakas sa PhilHealth, inanunsiyo rin ang pangangailangan nila ng 130 fraud investigators, 12 lawyers at 54 medical doctors.
Sinasabing ang nasabing bilang ng pangangailangan ng mga doktor at tauhan sa PhilHealth ay mga bagong likhang position para sa mas malakas na serbisyo ng state health insurer. EUNICE C.
Comments are closed.