PHILHEALTH CONTRIBUTIONS MAS MATAAS NA SIMULA HUNYO

MARAMI sa mga Pilipino ang umaasa sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) para sa kanilang pampinansiyal na pangangailangang medikal.

Malaki ang tulong nito lalo na sa mga ordinaryong mamamayan. Ngunit ngayong darating na Hunyo ay mag-uumpisa na ang PhilHealth na mangolekta ng mas malaking premium payments mula sa mga miyembro nito.

Nasa P50 pataas ang karagdagang bayad kada buwan ng bawat miyembro—ang dating 3% ay magiging 4% na. Ito ay naaayon sa nakasaad sa Universal Health Care Law na 0.5% ang dapat itaas ng premium bawat taon upang maabot ang target sa 2024.

Mula sa kasalukuyang P300 na contribution kada buwan, magiging P400 ang paghahatian ng employer at employee. Ito ay ang halaga ng kontribusyon ng mga kumikita ng mas mababa sa P10,000 sa isang buwan. Kung mas mataas naman ang iyong kita, mula P10,000.01 hangaang P79,999.00 kada buwan, nasa P400 hanggang P3,200 ang monthly premium na kailangang ibayad sa PhilHealth. P3,200 naman ang magiging kontribusyon ng mga sumasahod ng P80,000 pataas.

Para sa mga direct contributor na nagbayad na ng 3% lamang nitong Enero, maaari nilang bayaran ang karagdagang 1% na premium payment hanggang Disyembre 2022 dahil wala naman itong interes.

Samantala, wala pang desisyon tungkol sa halaga ng contribution para sa mga PhilHealth member na sinasagot ng gobyerno gaya ng indigents, senior citizens, at PWDs.

I-update natin ang ating kontribusyon sa PhilHealth, sakaling hindi pa ito updated, dahil importanteng mayroon tayong masasandalan sa oras ng pangangailangan. Lalo na’t hindi pa rin nawawala ang banta ng iba’t ibang sakit dahil sa mga kumakalat na virus.