PhilHealth coverage para sa hemodialysis, P6,350 na kada sesyon!

“Kasama pala sa mga itinaas na benepisyo ang package para sa ­hemodialysis? Magkano na?”

– Charmaine
Guindulman, Bohol

30 percentTama ka, Charmaine! Mas mataas na ang benepisyo namin sa hemodialysis. Bukod pa ito sa pagpapalawig ng coverage mula sa dating 90 sessions na ngayon ay 156 na ang sagot namin. Simula October 1, 2024, P6,350 na ang package para sa hemodialysis! Nauna na itong itinaas noong July 1 sa P4,000 mula sa dating P2,600. Sumatotal, higit doble na ang naging increase sa benepisyo kada sesyon!

Charmaine, ang benepisyong magagamit ng mga pasyenteng may Chronic Kidney Disease Stage 5 o CKD5 sa buong taon ay aabot sa halos P1 milyon sa buong taon. Dapat lang ay nakarehistro sa PhilHealth Dialysis Database (PDD) ang pasyente para makamit ito. Kaya panawagan namin, makipag-ugnayan agad sa dialysis clinic para mairehistro sa PDD at magamit ang pinagbuting benefit package.

Nakalulungkot isiping isa ang Pilipinas sa mga bansang may mataas na kaso ng CKD. Ito ay isa sa mga pangunahing sanhi ng pagkamatay sa bansa. Batid namin ang gastusing kaakibat ng mga nagda-dialysis, lalo na ‘yung mga CKD5 patients na hanggang tatlong sesyon kada linggo ang kailangan. Kaya naman pinalawig namin ang coverage para masigurong buong taon ay may pantustos sila sa kanilang gamutan.

Ang pinagbuting benefit package ay sasagutin ang lahat ng supplies, laboratory tests, drugs and medicines, at iba pang sebisyong medikal na kaakibat ng pagda-dialysis. Malaking tulong ito para masigurong tuluy-tuloy ang pagbuti ng kundisyon ng mga pasyente na wala nang aalalahanin sa gastos.

Sa kabilang banda, meron kaming Z Benefits para sa Kidney Transplantation. P600,000 ang sagot namin dito para sa surgery, professional fees, at iba pang gastusin sa ospital. Sa kasalukuyan, 25 ospital na ang contracted para rito na pwedeng puntahan ng ating mga kababayan.

Bukod sa Kidney Transplantation, meron din kaming Z Benefit para sa Peritoneal Dialysis. 30 ospital naman ang contracted namin para rito. Ito ay isang alternatibo sa hemodialysis. Isa rin itong paraan para alisin ang excess fluids at nakalalasong toxins sa kidney.  Abangan ang susunod naming anunsyo sa pagtataas ng Z Benefits packages. Kaya isa na manan itong magandang balita para sa ating lahat!

Charmaine, sana tulungan mo kaming ipamalita ito sa mga kapamilya at kaibigan mo. Asahan niyong lalo pa naming pagbubutihin ang National Health Insurance Program para masabi ng lahat ng Pilipino na, “Damang-dama ko ang Alagang PhilHealth.” Maraming salamat. Hanggang sa muli!

MAY TANONG TUNGKOL SA INYONG PHILHEALTH?

Tumawag sa PhilHealth 24/7 hotline, 8662-2588. Bukas ang aming Action Center ­anumang oras at araw, pati weekend at holiday!

Matatawagan din kami sa mga numerong 0998-8572957, 0968-8654670, 0917-1275987, at 0917-1109812. Pwede niyo na ring ma-reach ang PhilHealth mula sa website! Pindutin lang ang Click-to-Call icon na makikita kapag nag-login sa www.philhealth.gov.ph.

 

BALITANG REHIYON

Binigyan ng ­PhilHealth Local Health ­Insurance Office-Bacolod ng ­orientation ­tungkol sa Universal Health Care ang mga ­dumalo sa selebrasyon ­Seafarer’s Day. ­Kasama ng ­PhilHealth ang ­Overseas Workers Welfare ­Administration-Regional Office 6 sa pagbibigay kaalaman at serbisyo sa ating mga kababayang marino.