NAGKASUNDO kamakailan ang PhilHealth at ang mga pangunahing organisasyon ng health care providers at medical professionals sa bansa na magtulungan at siguruhing maipatutupad ang National Health Insurance Program para sa lalong kapakinabangan ng mga mamamayang Filipino.
Naganap ang pagkakasunduan sa tanggapan ng PhilHealth sa Pasig City sa pangunguna nina Acting PhilHealth President at Chief Executive Officer Dr. Roy B. Ferrer; Dr. Rustico Jimenez, Pangulo ng Private Hospitals Association of the Philippines, Inc. (PHAPI); Dr. Jesus M. Jardin, Vice President for Mindanao ng Philippine Hospital Association (PHA); at Dr. Jose P. Santiago, Jr., Pangulo ng Philippine Medical Association (PMA).
Naroon din sa pagpupulong sina Dr. Irene Florentino Fariñas, Joyce Ann Ceria Pereña, at Dr. Anna Melissa Guerrero ng Pharmaceutical Division ng Department of Health.
Sinang-ayunan ng nasabing hospital at medical associations ang pagpapatupad ng PhilHealth Circular No. 2018-0007 na nagtatakda sa paggamit ng Claim Form 4 (CF4) simula Setyembre 1 ng taong kasalukuyan.
Matatandaan na pansamantalang inihinto ang pagpapatupad ng nasabing Circular bunsod ng kahilingan ng PHAPI.
Ang CF4 ay naglalaman ng mahahalagang impormasyon mula sa clinical record ng pasyente, at kinilala ng mga nagsidalo ang kahalagahan nito upang matiyak ang kalidad ng serbisyo, nasusunod ang tama at katanggap-tanggap na medical practices, at ang pagsunod sa mga polisiya ng PhilHealth.
Nagsilbing daan din ang pagpupulong upang linawin ng PhilHealth na hindi nito babayaran ang anumang gamot na wala sa Philippine National Formulary (PNF) batay sa itinakda ng PhilHealth Circular No. 2018-0007.
Sakaling patuloy naman na magrereseta ng mga gamot na wala sa PNF, pinayuhan ng PhilHealth ang PHA, PHAPI at PMA at lahat ng mga miyembro nito na direktang makipag-ugnayan sa Department of Health upang maisama ang nasabing mga gamot sa PNF at upang mabayaran ang kanilang claims sa PhilHealth.
At upang lalong mapabilis ang pagpoproseso ng claims, binigyang-diin din ng PhilHeath ang paggamit ng electronic claims (eClaims) sa pagsusumite ng claim documents online. Ito ay bukod pa sa kasalukuyang pagi-email ng Claims Status Report at paglalagay ng Reconciliation Summary Module (RSM) sa Health Care Institution Portal kung saan maaaring ma-access ng bawat ospital ang status ng kanilang claims na nabayaran na, mga babayaran pa lang, naka-pending, denied at mga ibinalik sa ospital.
Nilalayon ng nasabing module facility na makatulong sa mga accredited providers para sa madaliang pagre-reconcile ng kanilang records sa PhilHealth batay sa isinasaad ng PhilHealth Advisory No. 2018-0046.
Sakali namang wala pang account ang isang accredited hospital sa HCI Portal ay kinakailangan lang nilang magsumite ng PhilHealth Online Access Form at Non-Disclosure Agreement (downloadable sa www.philhealth.gov.ph) sa pinakamalapit na Phil-Health Regional Office o Branch.
Para sa inyong mga katanungan o kung may paksa kayong nais naming talakayin sa kolum na ito ay tumawag sa aming 24/7 Corporate Action Center sa (02) 441-7442, o magpadala ng sulatroniko sa [email protected].
Comments are closed.