PhilHealth, inilunsad ang outpatient benefits para sa Severe Acute Malnutrition!

“Nabasa ko kailan lang ang ­benepisyo niyo tungkol sa ­malnutrition. ­Magagamit ba ‘to ng anak ko? ­Sobrang payat eh.”

– Rolly
Barangay Valencia, Quezon City

Rolly, bago ang lahat, batiin ka muna namin ng Happy Monday! Malamang nabasa mo ang PhilHealth Circular No. 2024-0017 tungkol sa aming Outpatient Therapeutic Care (OTC) Benefits Package for Severe Acute Malnutrition (SAM) na kamakailan lang ay nailathala sa isang pahayagan. Hayaan mo kaming ipaliwanag ito sa iyo.

Inaprubahan ng PhilHealth Board ang pag­likha ng benepisyo sa mga batang may SAM. Alam mo bang nasa 1.5 milyong batang Filipino ang apektado nito? Katunayan, isa ang Pilipinas sa may pinakamataas na kaso ng SAM sa South East Asia. Patuloy itong nakakaapekto sa ating mga kabataan sa kabila ng mga programa laban sa kondisyong ito.

Kaya naman ang bagong PhilHealth bene­fit para sa SAM ay tiyak na makatutulong sa gamutan at tamang pag-alaga ng mga batang apektado nito. Ang benefits package ay naka depende sa edad ng bata – una para sa mga sanggol na mas bata sa 6 months at isa naman para sa mga batang 6 months hanggang 5 years old.

Ang bata ay kailangang ma-assess ng accredited health facility para malaman kung sya ay nangangailangan ng outpatient o inpatient Therapeutic care. Ang mada-diagnose na may SAM at papasa sa OTC ay siyang i-enrol para makagamit ng benepisyo. Tandaan na dapat ang health facility ay nakapasa sa requirements ng PhilHealth para ito ay makapagserbisyo ng OTC-SAM. Itetest ang mga bata gamit ang checklist for OTC-SAM base sa edad, sukat at proportion ng mga sanggol at bata at iba pang clinical eligibility criteria.

Kapag nakapasa ng assessment ng  health facility ang serbisyong pwedeng makuha sa package na ito ay ang mismong assessment na gagawin sa mga PhilHealth-accredited facilities kasama na ang councelling sa nutrisyon at tamang pagpapakain sa mga sanggol at bata, exclusive breastfeeding support, child deve­lopment and nurturing care at lingguhang follow-up visit ng duktor. Para sa mga 6 months hanggang 5 years old, kasama na rin ang pagbibigay ng ready-to-use therapeutic food o RUTF na recomendado ng World Health Organization.

Rolly, para naman sa amount ng bene­fit package hanggang P7,500 ang nakalaang benepisyo kada taon para sa mga sanggol na less than 6 months old at P17,000 naman taun-taon para sa mga batang 6 months to 5 years old. Ang mga halagang ito ay babayaran ng PhilHealth sa mga accredited-facilities nang dalawang tranches. Ang unang bayad ay matatanggap nila matapos ang initial assessment (P1,500 para sa mga sanggol at P2,000 para sa mga batang hanggang limang taon). Ang natitirang halaga naman ay ibibigay sa pasilidad matapos ang mga follow-up visits na aabot hanggang 15 visits.

Klaruhin lang din namin, walang dapat bayaran pa ang ang mga magulang ng pas­yente. Hindi dapat singilin ng pasilidad ang anomang halagang sosobra sa benefit package ng PhilHealth. Sagot namin lahat!

Ang OTC Benefits Package for SAM ay maaaring gamitin sa mga rural health units, barangay health stations, at primary care providers. Katunayan, Rolly, marami nang nag-apply para maging provider ng benepisyong ito. Mag-antabay ka lang sa aming mga anunsyo para madala mo na ang anak mo sa pinakamalapit na pasilidad sa iyong lugar para ma-assess.

Salamat sa iyong mensahe, Rolly. Siguruhin natin lagi ang kalusugan ng mga bata!

BALITANG REHIYON

Ang Local Health Insurance Borongan ay nagsagawa ng Konsulta Service Delivery Caravan sa bayan ng Balangiga, Eastern Samar