PHILHEALTH MAY SAPAT NA PONDO

MAKATATANGGAP ng marami pang benepisyo ang milyong miyembro ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) kahit gamitin ang unutilized subsidies na ibinibigay ng pamahalaan para dagdagan ang pondo ng PhilHealth.

Ito ang binigyang-diin ni Finance Secretary Ralph Recto sa ginanap na pagdinig ng Senate Committee on Health kasabay ng pahayag niya na sa kasalukuyan at may P500 bilyong hawak ang government-owned and controlled corporation (GOCC), higit pa sa sapat para punan ang kasalukuyang benepisyo ng mga PhilHealth beneficiaries, pati na rin ang bagong medical benefits na inanunsiyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address (SONA).

“May natitirang P500 billion benefit chest fund ang PhilHealth. Ayon mismo sa kanila, labis-labis at kasyang-kasya ito sa mga bayarin para sa multi-year claims,” pahayag ni Recto sa komite.

Ayon sa dating senador, patuloy na tatanggap ang PhilHealth ng subsidiya sa pamahalaan at taliwas sa walang basehang ulat, dadagdagan pa ng PhilHealth ang coverage para sa mga treatment o paggamot tulad ng kanser.

“Patuloy rin na tatanggap ng subsidiya ang PhilHealth mula sa pamahalaan. PhilHealth na mismo ang nagsabi na ni isang kusing, walang kaltas sa mga benepisyong matatanggap, batay sa kasalukuyang patakaran,” ani Recto.

“Bagkus, nabanggit pa nga ng Pangulo sa kanyang SONA na tataasan ang mga benepisyo ng PhilHealth para sa mga outpatient, mga may malulubhang karamdaman gaya ng cancer, at mga batang may kapansanan,” dagdag pa niya

Sa kanyang ikatlong SONA, inihayag ni Marcos na dadagdagan ng PhilHealth ang bilang ng mga generic drugs para sa mga outpatient treatment sa 53 mula sa dating 21. Kabilang ang mga gamot para sa hypertension, nerve pain, at epileptic seizures.

Dodoblehin rin ng PhilHealth ang benepisyo para sa miyembro na na-stroke at pneumonia ng hanggang P76,090.

Dadagdagan din ang limit para sa breast cancer treatments para sa mga kasapi ng PhilHealth ng 1,000% kung saan gagawin na itong P1.4 milyon mula sa kasalukuyang P100,000. Bago magtapos ang taon, isasama rin ng PhilHealth sa kanilang benepisyo ang chemotheraphy para sa mga kanser sa baga, atay, obaryo, at prostate.

Nilinaw pa ni Recto na hindi gagalawin ng pamahalaan ang kontribusyon ng mga miyembro ng PhilHealth para sa paglipat ng pondo at ang tatapikin lamang ay ang hindi nagamit na government PhilHealth subsidies.

“Hindi po gagalawin ang kontribusyon ng mga miyembro ng PhilHealth. Sapagkat ang pondo ay mula sa sobra at hindi nagagamit na pera ng PhilHealth mula sa hindi ginamit na subsidiya ng pamahalaan.” paliwanag ni Recto.

“There is no advocate more committed to higher health spending than the DOF,” dagdag pa ng dating senador, isa sa mga author ng Universal Health Care Act.
VICKY CERVALES