Muling lumagda sa isang kasunduan sina PhilHealth President at CEO Emmanuel R. Ledesma, Jr. at Metro Manila Development Authority (MMDA) Acting Chairman Atty. Romando S. Artes na naglalayong pataasin ang kaalaman at kamalayan ng publiko sa mga benepisyo at serbisyo ng PhilHealth sa pamamagitan ng digital at non-digital media platforms ng MMDA sa mga prominenteng lokasyon sa Metro Manila.
Ang nasabing partnership na pumapalo na sa limang taon ay inaasahang pakikinabangan ng milyon-milyong komyuter at motorista na bumabagtas sa mga pangunahing lansangan ng National Capital Region.
“Sa muling pagsasanib-pwersang ito, nilalayon naming pagbutihin ang access ng mga tao sa mataas na kalidad na serbisyong pangkalusugan, lalo na sa NCR. Dahil sa ugnayang ito, mas mapapabuti namin ang serbisyo at maibibigay namin ang pangangailangang pangkalusugan ng mga Pilipino. Kapag malusog ang mamamayan, magiging malusog din ang bansa,” ani Ledesma.
Nagpahayag naman ng patuloy na pagsuporta si Acting Chairman Artes sa PhilHealth, aniya: “Matagal na po tayong nakikipagtulungan sa PhilHealth at asahan po ninyo na patuloy kaming susuporta sa napakagandang programa ng PhilHealth lalong-lalo na sa information dissemination, dahil sa totoo lang napakarami pong magandang proyekto at benepisyo ang binibigay ng PhilHealth.”
Nauna rito, inanunsyo ni PhilHealth NCR Vice President Dr. Bernadette Lico ang MMDA Clinic bilang kauna-unahang non hospital-based, non-LGU, at non-uniformed government health facility na in-accredit ng PhilHealth bilang Konsulta Package Provider sa bansa. Seserbisyuhan ng nasabing klinika ang humigit-kumulang 8,000 mga traffic enforcer, street sweeper at office-based personnel ng MMDA.
“Kami ay nagbibigay-pugay sa MMDA sa pagbibigay sa mga empleyado at dependents nila ng primary care services ng Konsulta gaya ng health profiling, consultations, diagnostic and laboratory tests tulad ng chest X-ray, fasting blood sugar, at electrocardiogram, pati na ang mga gamot para sa mga kondisyon gaya ng hika, diabetes at hypertension,” dagdag ni Ledesma.
Makikita sa larawan (mula kaliwa) sina MMDA Health, Public Safety and Environment Protection Office Director at OIC for Office of the Assistant GM for Planning Atty. Victor Pablo Trinidad, Assistant GM for Operations Asec. David Angelo Vargas, Deputy Chairman Usec. Frisco San Juan, Jr., Acting Chairman Artes, PhilHealth PCEO Ledesma, Acting VP for Corporate Affairs Rey Baleña, at NCR VP Dr. Bernadette Lico pagkaraang lagdaan ang kasunduan sa head office ng MMDA sa Pasig City, Abril 15, 2024.