NAGBABALA ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa publiko patungkol sa pekeng Facebook page na “Phil-Health Updates Online” na nanghihikayat na “i-like” at “i-share” ang nasabing pahina upang makasali sa raffle promo na “libreng pabahay” kaugnay sa anibersaryo ng PhilHealth sa susunod na taon. Matapos umaksyon at dumulog ang PhilHealth sa Facebook Philippines ay agad nang tinanggal ang nasabing post at re-shared posts nito.
Bukod sa pekeng raffle promo, nagbabala rin ang PhilHealth laban sa isa pang FB page ng isang nagngangalang Efeiram Oicatse na may Facebook page na “PhilHealth Registration Online” na nag-aalok ng tulong para mapabilis ang pagpo-proseso ng PhilHealth membership at makakuha ng PhilHealth ID kapalit ng Php 170 na dapat bayaran sa isang kilalang convenient store.
Ayon sa PhilHealth, wala silang pabahay raffle promo at walang sinuman ang binibigyan ng awtorisayon na mag-solicit o manghingi ng bayad kapalit ang pagpapamiyembro sa PhilHealth.
Hinihikayat nito ang lahat ng miyembro na huwag agad magtiwala sa mga ganitong modus at mag-ingat sa pagbibigay ng mahahalagang impormasyon upang maiwasang mabiktima ng pandaraya.
Pinaalalahanan ng PhilHealth ang lahat na libre ang pagpaparehistro at ito ay maaaring gawin sa mga Local Health Insurance Office o Express Counters sa buong bansa.
Sakaling may na-monitor na ganitong uri ng iregularidad ay maaaring ipagbigay-alam sa alinmang opisina ng Phil-Health, Facebook “PhilHealth official”; mag-email sa [email protected]; o itawag sa (02) 441-7442.
Comments are closed.