NAGLABAS ng mahigit P257 milyon ang PhilHealth bilang paunang pondo para sa mga Primary Care Provider Networks (PCPNs) upang lalo pang palakasin ang primary care benefit nito na kilala bilang Konsulta o Konsultasyong Sulit at Tama Package.
Ayon kay PhilHealth President and CEO Emmanuel R. Ledesma Jr., malaking tulong ito sa mga accredited Konsulta facilities sa ilalim ng mga partner networks upang tiyakin ang kahandaang magsilbi sa mga pasyenteng naga-avail ng mga serbisyo ng Konsulta mula konsultasyon, health screening at assessment at pagbibigay ng angkop na gamot at laboratory batay sa rekomendasyon ng kanilang Konsulta provider.
Sa kasalukuyan ay apat sa unang pitong PCPN sa ilalim ng sandbox setting ang nakatanggap na ng nasabing pondo mula sa PhilHealth. Ang mga ito ay ang Quezon Province, P72.9 milyon; South Cotabato, P53.9 milyon; Bataan, P114.7 milyon; at Baguio City, P15.9 milyon.
“Ang mga pondong ito ay in-advance na natin bago pa man nila ibigay ang mga serbisyo. Sa ganitong paraan ay magagamit nila ito para ihanda ang mga pasilidad na pagsilbihan ang mga pasyente lalo na mula sa mga malalayo at mahihirap na komunidad,” paliwanag ni Ledesma.
Naglaan ang PhilHealth ng P30 bilyon ngayong taon upang paigtingin ang pagpapatupad ng Konsulta sa mas marami pang networks at para mailapit ang Konsulta sa marami pang rehiyon lalo na sa mga geographically isolated and depressed areas.
“Nakikilahok din kami sa LAB for ALL o “Laboratoryo, Konsulta, at Gamot p ara sa Lahat” Caravan ng Unang Ginang Liza Araneta Marcos para mapalakas pa ang Konsulta,” pagsisiwalat pa niya. Sa unang 17 caravan na ginanap sa iba’t ibang bahagi ng Luzon at National Capital Region noong 2023, may kabuuang 14,000 benepisyaryo na ang nabigyan ng serbisyo at nakapag konsultasyon sa mga primary care physicians.