PhilHealth nanawagan laban sa mga malisyosong post sa social media

Para maiwasan ang pagkalat ng personal na impormasyon kasunod ng ransomware incident noong Setyembre 22, nanawagan ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa publiko na maging mapagmatyag at maging mas maingat sa mga malisyosong post na kanilang makikita sa internet at social media.

Sa press briefing kamakailan ay nagbabala ang state health insurer sa posibleng paglalabas ng mga maling impormasyon, kasinungalingan at black propaganda para masamain ang gobyerno.

“Ang intensyon nila ay ipakita na sila ay mga bayani,” babala ni PhilHealth President and CEO Emmanuel R. Ledesma, Jr. na humingi rin ng tulong sa media para babalaan ang publiko laban sa panlilinlang ng mga hackers.

Inabisuhan din ni Ledesma ang publiko laban sa pagbubukas, pag-post at pag-share, sa halip ay i-report kaagad ang mga nakitang sensitibong impormasyon online at social media sa PhilHealth at sa Department of Information and Communications Technology (DICT) para maiwasan ang pagkalat nito. Maaaring mag-email sa: [email protected] at [email protected].

Tiniyak ng PhilHealth na ginagawa nito ang lahat para maibalik ang iba pang systems kasama ang HCI portal at application servers pagkatapos ng security testing. Matatandaang naibalik na sa normal ang website, Member Portal at e-Claims nito noong Biyernes, Setyembre 29, 2023.

“Batid namin na nagdulot ito ng abala sa aming mga miyembro at stakeholders. Para mapagaan ang epekto nito, agad kaming naglabas ng advisories upang matiyak ang patuloy na serbisyo at mga benepisyo ng mga miyembro,” pagtitiyak ng hepe ng PhilHealth. Binigyang diin niya ang walang patid na commitment ng ahensya sa pag-iingat sa privacy at impormasyon ng mga miyembro.

Sabi pa niya, “Patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang PhilHealth katuwang ang DICT at National Privacy Commission, National Bureau of Investigation, at Philippine National Police. Kami ay nangangako na susuporta sa mga ahensyang ito para mapanagot ang mga may sala.”

Hinimok din niya ang ­ilang mga grupo na iwasan ang pagkakalat ng mga maling impormasyon para maiwasan ang kaguluhan at kalituhan, at kung may hawak na impormasyong may kinalaman dito ay makipag-ugna­yan agad sa mga awtoridad.