PHILHEALTH, PINALAWIG 2021 ACCREDITATION NG HEALTHCARE FACILITIES

PHILHEALTH

Inanunsyo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na pinalawig nito ang validity ng lahat ng kasalukuyang accredited health facilities (HFs) hanggang Enero 31, 2022.

Sa Advisory No. 2021-049 nito na nilagdaan ni PhilHealth President and CEO Atty. Dante A. Gierran, ginawa ng state agency ang extension sa kondisyon na “… sila (HFs) ay nagsumite ng kanilang kumpletong aplikasyon para sa CY 2022 accreditation sa PhilHealth Regional Office na nakakasakop sa kanila hanggang Enero 31, 2022.”

Pinaalalahanan din ng hepe ng PhilHealth na ang mga aplikasyon na natanggap para sa tuloy-tuloy o renewal ng accreditation na lampas sa Enero 31, 2022 ay maaaring magresulta sa gap ng accreditation ng isang pasilidad.

Noong Nobyembre 2021, inilabas ng PhilHealth ang Advisory 2021-046 na nagsasabing nagsimula na itong tumanggap ng mga aplikasyon para sa tuloy-tuloy o renewal ng accreditation hanggang Disyembre 31, 2021. Gayunpaman, upang mabigyan ng sapat na oras ang mga pasilidad at upang matiyak ang tuloy-tuloy na pagproseso ng kanilang mga claim, ang validity ng accreditation ay pinalawig.

Ang patuloy na akreditasyon ay nakasaad sa Revised Implementing Rules and Regulations ng Republic Act 10606 o ng National Health Insurance Act of 2013. Ang akreditasyon ay ibinibigay sa mga pasilidad na nag-apply sa National Health Insurance Program at nakasunod sa mga requirement na itinakda ng PhilHealth. Dahil ditto, sila ay kwalipikadong makilahok sa Programa maliban na lamang kung aalisin ang kanilang akreditasyon batay sa mga tuntuning itinakda ng Korporasyon.