Philhealth President humingi ng tulong sa Rotarians

Nakiusap si Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth) President and Chief Executive Officer (CEO) Emmanuel Ledesma Jr.sa mga kasapi ng Rotary Club of Manila na grupo ng mga prominenteng negosyante at dating matataas na opisyal ng pamahalaan, upang tulungan siyang linisin ang imahe ng naturang ahensiya.

Ito ay matapos ang kanyang pormal na mensahe sa naturang prestihiyosong samahan ng mga negosyante at professional na may iba’t ibang chapter sa buong mundo na kilala rin sa pagkakawanggawa, bilang guest speaker sa lingguhang pagpupulong ng mga ito sa Manila Polo Club. Siya ay inimbitahan din ng grupo upang maging kasapi rito bago matapos ang naturang pagpupulong.

Matapos tanungin ng isang kasapi ng naturang grupo sa isinagawang open forum kung ano ang gusto niyang itulong sa kanya ng mga ito dahil sa malawak na network ng samahan, walang kagatol gatol na sinabi ni Ledesma na sana aniya ay matulungan siya ng Rotarians na mapabango ang imahe ng ahensiyang kanyang pinamumunuan sa pamamagitan ng media.

Nangako naman ang mga ito na tutulungan siya sa kanyang kahilingan, subalit aminado si Ledesma na hindi siya basta basta nagpapaunlak ng panayam at iniaasa lamang niya sa kanyang mga tauhan ang mga pagsagot sa press.

Ginawa ni Ledesma ang kahilingan matapos tanungin ng isang kasapi ng Rotary Club sa suliranin sa imahe na kinakaharap ng naturang ahensiya tulad ng mga balita sa korupsyon na kinasasagkutan ng Philhealth halimbawa na rito ang mga alegasyon sa fraudulent claims.

Ang Philhealth ay lubhang mahalaga dahil sa health agenda ng bansa na ang pondo ay nagmumula sa nakokolektang konribusyon ng mga kasapi nito, maging ang pagsagot sa bayarin ng mga ito sa ahensiya mula sa kaban ng pamahalaan o pribadong sektor.
MA. LUISA MACABUHAY GARCIA