(Philippine Army, Navy at Air Force umayuda) P7.3- M FOOD PACKS NAIHATID NG DSWD SA MGA BIKTIMA NI ODETTE

SA tulong ng Philippine Army sa pamumuno ni Maj General Romeo Brawner ay naihatid ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang P7.3 million halaga ng family food packs sa mga apektado nang pananalasa ng Bagyong Odette.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni DSWD spokesperson Irene Dumlao na bukod sa mga family food packs mayroon din P1.1 million halaga ng sleeping kits at beds na ipinamamahagi ang kanilang kagawaran.

Sa tulong ng Philippine Army at private shipping company ay naipahatid na ng DSWD ang family food packs sa mga probinsiya ng Dinagat Islands at Siargao.

Sa ngayon, patuloy aniyang namamahagi ang kagawaran ng family food packs sa mga apektadong residente sa Eastern at Western Visayas.

Isang Philippine Air Force C-130 aircraft with tail number 5011 naman ang ginamit para maihatid ang relief goods mula Villamor Air Base sa Pasay City patungong Brigadier General Benito N Ebuen Air Base sa Cebu.

Kinailangan na magsagawa ng dalawang biyahe para lamang maihatid ang 33,797 lbs ng relief goods na kinabibilangan ng tents; gallons of drinking water; sako-sakong bigas; toiletries; used clothes; delata , bottled water at generator sets.

Target nitong mahatiran ng ayuda ang mga nasalanta ng Typhoon Odette sa ilang lugar sa Visayas region at Northern Mindanao.

At kahapon ng madaling araw ay nagsimula nang maglayag ang BRP Iwak (LC289) mula Cavite City para sa kanilang humanitarian assistance and disaster response mission sa Surigao Port, Surigao City.
Lulan ng barkong pandigma ng Philippine Navy ang may 7.8 toneladang bottled water mula sa Office of the Vice President, 142 5-gallon water containers at 4 boxes bottled water mula Naval Task Group National Capital Region, 50 sacks of rice mula sa Jam Pinaroc, 130 pieces ng bottled water mula Maynilad, at ibat ibang consolidated assorted relief goods mula sa ibat ibang units ng Philippine Fleet at non-government and private stakeholders.
Samantala, nakarating na sa Central Visayas ang BRP Tubbataha (MRRV-4401) ng Philippine Coast Guard.
Lulan ng naturang barko ang 270 sako ng bigas, 37 piraso ng tarpaulin, apat na drum ng gasolina, apat na solar sets, dalawang generator sets, at kahon-kahong de lata at instant noodles.

Inabot ang relief supplies sa PCG District Central Visayas para sa agad maipamahagi sa mga apektadong pamilya sa Bohol.

Alinsunod ang relief transport mission sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na gamitin ang lahat ng assets at resources ng pamahalaan para makatulong sa pagbangon ng mga nabiktima ng Bagyong Odette.

Nakikipagtulungan na rin ang iba’t ibang international humanitarian organizations sa pamahalaan para tumulong sa mga sinalanta ng Bagyong Odette.

Sa kanyang Twitter account, sinabi ni Kristina Dadey, ang Chief of Mission ng International Organization for Migration na nakikipatulungan sila sa Philippine Coast Guard upang maiparating sa mga apektado nang pananalasa ng Bagyong Odette ang kanilang tulong.

Kabilang sa mga ibinibigay ng USAID ay mga shelter grade tarps, personal protective equipments, at medical services na rin.

Ipapadala ang mga ito sa Southern Leyte, Surigao del Norte, Dinagat Islands, iba pang bahagi ng Visayas at Caraga regions.

Sinabi ni Dadey na higit na nangangailangan din sa ngayon ang mga apektadong residente ng mga pagkain, hygiene kits, at iba pa.

Aniya, hirap din ang mga ito dahil ilan sa mga sinalantang lugar sa bansa ay wala pa ring kuryente at kulang ang supply ng tubig. VERLIN RUIZ