PHILIPPINE ARMY SERYOSO SA PAGBILI NG TYPHON MISSILES

SERYOSO ang pamunuan ng Philippine Army sa kanilang kagustuhan na mapasama sa kanilang ararsenal ang typhon mid-range capability (MRC) missile system kaya taon taon ay kasama ito sa kanilang wishlist kung kakayanin lamang ng financial capacity ng bansa.

Ayon kay Philippine Army commanding ge­neral, Lt. Gen. Roy Galido, malaking  papel ang ginagampanan ng MRC missile system sa pagtatanggol sa exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas kaya kailangan sanayin ang kanilang mga tauhan sa paggamit ng nasabing platform.

Sa ginanap na yearend media briefing kahapon sa Army Headquarters sa Fort Andres Bonifacio sa Taguig Metro Manila ay nilinaw ni Lt.Gen Galido na ang naka- instila na typhoon missile system sa Pilipinas ay para lamang sa mga serye ng military exercises sa pagitan ng US at Philippine Military at hindi inilalaan sa kung saan o alinmang bansa.

Ang mga naturang missile system ay unang idineploy sa Luzon noong Abril sa layuning magamit ito para sa mga serye ng joint exercises.

Naging kontro­bersyal din ang deployment ng mga ito matapos manawagan ang Russia at China sa US at Pilipinas na tanggalin na o ibalik na ang mga naturang missile.

Bilang bahagi ng isinusulong na AFP modernization, inihayag ni Galido na ang mid-range missile ay lubhang mahalaga para sa isinasagawang pag aaral at pagsasanay ng Hukbong Katihan kasama ang United States Armed Forces of the Philippines.

Bukod dito bahagi rin umano ito ng pagnanais ng ng Pilipinas at US na mapataas pa ang kapabilidad sa iba’t ibang aspeto ng military training tulad ng paggamit sa mga typhoon missile.

Kinumpirma ni Gen Galido na “Yes, there are plans, there are negotiations, because we see its feasibility and adapta­bility,”

Magugunitang mandato ng Hukbong Katihan na suportahan ang Philippine Navy at Phi­lippine Air Force sa ilalim ng Comprehensive Archipelagic Defense Concept, isang strategic framework na layuning pangalagaan ang soberanya ng Pilipinas.

“Our Comprehensive Archipelagic Defense Concept requires that we are able to protect the country’s interest and the country’s interest is our EEZed, the 200-nautical mile,” ani Galido.

VERLIN RUIZ