PINANGUNAHAN ng Civil Service Commission (CSC) ang pagdiriwang ng ika-124 na anibersaryo ng Philippine Civil Service alinsunod sa Presidential Proclamation No. 1050, serye ng 1997 na nagdedeklara sa Setyembre bilang buwan ng Civil Service.
Ito ay bilang paggunita sa pagkakatatag ng Philippine Civil Service sa bisa ng Public Law No. 5 (An Act for the Establishment and Maintenance of an Efficient and Honest Civil Service in the Philippine Islands) noong ika-19 ng Setyembre,1900.
Noong 2021, ipinakilala ng CSC ang kanilang 10-year theme, Transforming Public Service in the Next Decade: Honing Agile and Future-Ready Servant-Heroes.
Ang temang ito ay sumasalamin sa kolektibong karanasan ng mga manggagawa sa pamahalaan sa new normal at sa pagsusulong ng digital transformation at mga inobasyon upang mapanatili ang kahusayan at pagpapatuloy ng serbisyong publiko.
Para sa taong ito, ang pagdiriwang ng 124th na PCSA ay magtutuon ng pansin sa kahalagahan ng pagpapaunlad ng sustainable management para sa pagkamit ng isang future-ready civil service.
Ito rin ay naaayon sa mga mithiin at layunin ng Ambisyon Natin 2040, na magkaroon ng isang Pilipinas na may matatag at komportableng buhay na protektado at pinapangasiwaan ng isang malinis, mahusay at patas na pamahalaan.
Upang makamit ang bisyon ng pagkakaroon ng isang mahusay at patas na pamahalaan, mahalagang bumuo ng isang pangkat ng mga lingkod bayan na may makabagong pananaw na kayang balansehin ang pagganap ng organisasyon sa mga epekto nito sa ekonomiya, kapaligiran at lipunan para sa mga susunod na henerasyon.
Sumali at itaguyod ang pagdiriwang ng ika-124 na PCSA sa pamamagitan ng paggamit ng mga hashtag na ito: #PCSA2024 #sustainablecivilservice.
RUBEN FUENTES