HINDI maitatatwa na sa panahon ngayon, ang internet ay isang pangunahing bahagi ng ating pang-araw-araw na pamumuhay.
Ito ay hindi lamang isang mapaglarong libangan kundi isang mahalagang kasangkapan para sa trabaho, edukasyon, negosyo, at komunikasyon.
Gayunpaman, sa Pilipinas, ang kakulangan at mahinang kalidad ng internet ay patuloy na nagiging hamon para sa maraming mamamayan.
Isang malaking suliranin ang patuloy na pagbagal at pagkakupad ng internet sa bansa.
Sa kabila ng mga pangako at proyektong itinataguyod upang mapabuti ito, marami pa rin ang nagtitiis sa mabagal na koneksiyon, hindi sapat na saklaw ng serbisyo, at hindi katanggap-tanggap na mga singil mula sa ilang internet service providers (ISPs).
Ang mahinang internet ay nagdudulot ng malaking epekto sa iba’t ibang aspeto ng lipunan.
Sa larangan ng edukasyon, maraming estudyante ang nahihirapang makapag-access ng online learning materials at makipag-ugnayan sa kanilang guro at kapwa mag-aaral. Ito ay lalong nagpapalala sa agwat ng edukasyon sa pagitan ng mga mayayaman at mahihirap na pamilya.
Sa mundo ng negosyo, ang mahinang internet ay humahadlang sa e-commerce at digital transactions na siyang susi sa mas mabilis na pag-unlad ng ekonomiya.
Sa telecommuting o work-from-home setup, isa pang hamon ang kinakaharap ng mga manggagawa at mga kompanya ang mahinang internet. Ang frequent disconnections at mabagal na koneksiyon ay nagreresulta sa hindi produktibong oras at mas maraming pagkukulang sa trabaho. Ito rin ay nagiging hadlang sa mga Pilipino sa pakikipag-komunikasyon sa kanilang mga mahal sa buhay, lalo na noong panahon ng pandemya.
Samantala, sa paglulunsad ng Philippine Domestic Submarine Cable Network (PDSCN), isang makasaysayang hakbang ang naitala sa pagpapalakas ng imprastruktura ng internet sa Pilipinas.
Ang proyektong ito, na pinangunahan ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ay naglalayong mapalakas ang connectivity at mapataas ang kalidad ng internet sa bansa na siyang pundasyon ng “Bagong Pilipinas.”
Ang PDSCN ay hindi lamang isang regular na fiber optic cable network, ito ay itinuturing na pinakamahaba at may pinakamataas na kapasidad na domestic submarine fiber cable network sa bansa, na may lapad na humigit-kumulang na 2,500 kilometro.
Sa pamamagitan daw nito, ang mga isla ng Pilipinas ay magiging mas konektado sa isa’t isa, nagbubukas ng mga bagong oportunidad para sa edukasyon, negosyo, at iba pang aspeto ng lipunan.
Ang paglulunsad ng PDSCN ay hindi lamang isang teknikal na pag-unlad, kundi isang simbolo ng determinasyon at pangako ng pamahalaan na mapabuti ang kalidad ng serbisyo sa mamamayan.
Sinasabing sa pamamagitan ng mabilis at maaasahang internet, inaasahan na mas magiging mabilis at epektibo ang pag-access ng mga Pilipino sa impormasyon at serbisyo.
Tinitingnan ng administrasyon ni Pangulong Marcos ang PDSCN hindi lamang bilang isang proyektong pang-imprastruktura, kundi isang hakbang patungo sa mas modernong konsepto ng komunikasyon.
Ang PDSCN ay isang paalala na ang pag-unlad at modernisasyon ay hindi maaaring makamit sa pamamagitan ng isang indibidwal lamang. Ito ay isang kolektibong pagsisikap na nangangailangan ng kooperasyon at suporta ng bawat sektor ng lipunan.
At sa pagtanggap at pagpapahalaga sa proyektong ito, patuloy na isusulong ng administrasyong Marcos ang “Bagong Pilipinas” na inaasam nating lahat.