PHILIPPINE ISLAND ASSASSINS GRAND CHAMPION, WAGI NG P2-M SA WIL TO WIN’

evelyn diao

ITINANGHAL ang grupong “Philippine Island Assassins” na grand winner sa programang “The Wil To Win” ng “Wowowin,” at  nakuha ang premyo na nagkakahalaga ng P2 milyon.

Bumilib ang mga hurado sa makapigil-hi­ninga pero heart-warming na performance ng grupo na gumamit ng isang giant wheel bilang props na mensaheng “world peace.”

“Meron pong nagbibigay sa amin ng advice na mga kaibigang pastor na lahat po ng performance namin sa Wowowin ay dapat may mensahe mula sa nakasulat sa bibliya,” ayon sa tagapagsalita ng grupo.

Simula nang sila ay sumali sa Wil to Win, lagi nilang binibigyan ng emphasis ang mensahe na nakukuha nila sa bibliya, na sa pamamagitan ng kanilang pagsayaw ay maihatid sa publiko ang kanilang gustong ipaabot tungkol sa mga “magandang balita.”

Sulit daw ang lahat ng kanilang pagod at sakri­pisyong pinagdaanan sa kanilang mga ensayo matapos nilang daigin ang 26 na pang mga kalahok.

Ang mga miyembro ng Philippine Island Assassin ay binubuo nina Yell Ballesteros, Rael Ballesteros, Osman, Alip, Margon Lacsinto, Emjay Lapradez, Francisco Cabarloc, Smartley Canoy, Avin Formaran, Michael Arapeles, Renz Payawal and Jeric Salvador.

Sa three part “Wowowin” special, itinampok ang iba’t ibang talento ng mga Pinoy mula sa pag-awit, pagsayaw, mga makapigil-hiningang acrobatic acts, magic tricks, at iba pa.

Nakuha ng yoyo master na si Macky D Spinner ang 1st runner-up na may premyong P300,000, at 2nd runner-up ang Love Wins Duo na nakatanggap naman ng P200,000.

Nagsilbing mga hurado sina GMA Films President Annette Gozon, GMA First Vice President for Pro-gram Management Joey Abacan, direktor na si Bert de Leon, entertainment editor/columnist na si Ricky Lo, Ruffa Gutierrez at ang bagong Kapuso na si John Estrada.

 

Comments are closed.