PHILIPPINE NAVY NATANGAYAN NG MGA BARIL NG CHINA COAST GUARD

PINABULAANAN kahapon ni Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Gen Romeo Brawner na dinisarmahan ng China Coast Guard ang mga sundalo ng Philippine Navy matapos na sumampa ng mga Intsik ang kanilang sinasakyang Rigid-Hulled Inflatable Boat (RHIB) sa kasagsagan ng isinasagawang rotation and reprovisioning (RORE) mission sa Ayungin Shoal.

Subalit, kinumpirma naman ng AFP na may mga military rifle ang natangay sa kanilang hanay subalit nakalagay ang mga iyon sa kanilang mga gun cases dahil mahigpit ang tagubilin na huwag magdi-display ng baril sa pagsasagawa ng RoRe mission kaya mga naka dis-assemble ang mga ito.

“For me this is piracy…, piracy because they boarded our vessel illegally. Parang mga pirata, para silang mga pirate,” ani Brawner sa ginanap na pulong balitaan kahapon sa Palawan matapos niyang dalawin ang mga sugatang sundalo.

“They hijacked our operation and destroy our vessel, ”diin ni Brawner.

“They got some (guns),” pagkumpirma ni Rear Admiral Alfonso Torres, ang bagong AFP Wescom commander sa media kasunod ng mga tanong na pagdisarma umano sa navy personnel.

Sinasabing matapos na maipit ng ilang Chinese RHIB ang navy vessel ay sumampa ng mga Chinese Coast Guard na armado ng itak , sibat at machete ang Navy RHIB kaya may mga nasaktang sundalong Pinoy na nanlaban para hindi makasampa ang mga CCG.

Sinasabing ang mga sandatang hawak ng CCG ang ginamit din para sirain ang mga kagamitan sa loob at pinambutas din sa inflatable rigid hull ng Navy matapos itong maipit ng mga nakapaligid na Chinese RHIB.

Samantala, pinapurihan at pinagkalooban ni Brawner ng “Wounded Personnel” medal si Seaman First Class Jeffrey Facundo na naputulan ng daliri dahil sa isinagawang highspeed ramming ng CCG sa navy vessel ng Pilipinas nang personal na bisitahin ng heneral ang kanyang sundalo sa pagamutan.

“Magpagaling ka, huwag ka mawalan ng pag-asa, nandito kami. Kung may mga kailangan ka sabihan mo lang kami,” ani Brawner kay Facundo.

Ayon kay Brawner nanatiling mataas ang morale ng mga sundalo at handa silang muli na magsagawa ng panibagong Rore mission sa likod ng ‘severe injury’ na tinamo ng kanilang kasamahan matapos ang intentional high-speed ramming ng Chinese Coast Guard .

Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief Col. Xerxes Trinidad, ang nasabing injured personnel ay ligtas na at ang patuloy na aggressive behavior ng China at ang pagharang sa humanitarian mission ay hindi katanggap-tanggap.

Aniya, dapat na tigilan ng China ang ganitong hakbang upang maiwasang lumala ang tensyon sa West Philippine Sea (WPS).

Kasunod nito, nananatili aniyang committed ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas para panatilihin ang kaayusan at kapayapaan sa WPS alinsunod sa international law.

Ilang military analyst na nakapanayam ng media mula Defense Press Corps ang nagsabing posibleng inuunti-unti rin ng China ang kanilang agresibong pagkilos at pagpapaigting ng tension sa West Philippine sea para subukan ang magiging aksyon ng gobyerno at mga kaalyadong bansa lalo na ang United States na may umiiral na Mutual Defense Treaty.
VERLIN RUIZ