PHILIPPINE PHILHARMONIC ORCHESTRA,  NAGPASIKLAB SA BULACAN

PHILIPPINE PHILHARMONIC ORCHESTRA

LUNGSOD NG MALOLOS – KILALA bilang isa sa mga na­ngungunang ‘musical ensembles’ sa Asia-Pacific Region, nagtanghal ang Philippine Philharmonic Orchestra (PPO) sa isang libreng konsiyerto kahapon sa Bulacan Capitol Gymnasium sa lungsod na ito.

Tinawag na ‘Philippine Philharmonic Outreach Concert in Malolos, Bulacan’, kinatatampukan ito ng 40 musikero sa kumpas ni Herminigildo Ranera, isang Filipinong mangungumpas, kompositor, arranger, performer at tagapagturo.

Ayon sa Provincial History, Arts, Culture and Tourism Office, ang organizer ng nasabing gawain, itinanghal ng PPO ang mga Filipinong kumposisyon at mga likha ng banyagang kompositor na Overture to William Tell (Gioachino Rossini), Hungarian Dances Numbers 1, 3 & 5 (Johannes Brahms), Dalagang Pilipina (Arranger Ryan Cayabyab), Ano Kaya ang Kapalaran (Francisco Santiago), Mutya ng Pasig (Nicanor Abelardo) at marami pang iba.

Itinatag ang nangungunang orkestra sa bansa at resident company ng Cultural Center of the Philippines (CCP) noong Mayo 15, 1973.

Dagdag pa dito, naging panauhing mang-aawit ang Bulakenyang coloratura soprano na si Trixie Dayrit mula sa bayan ng Santa Maria.

Dumalo rin sa nasabing okas­yon bilang panauhing pandangal ang pangulo ng CCP na si G. Arsenio Lizaso.

Inanyayahan din ni Gob. Wilhelmino Sy-Alvarado ang mga Bulakenyo na saksihan ang symphonic orchestral music ng PPO at maging maalam sa adbokasiya nito kung saan kanilang ipinakikilala ang tatak ng kanilang musika sa pamamagitan ng mga ‘outreach’ na konsiyerto.

“World class music and ta­lent po ang hatid ng Philippine Philharmonic Orchestra kaya naman suportahan po natin sila at tangkilikin. Mapalad po tayo at binigyan tayo ng pagkakataon na mapakinggan nang libre ang kanilang musika na tunay na kinikilala hindi lamang sa bansa kundi maging sa ibang panig ng mundo,” ani Alvarado.

Ang nasabing  libreng konsiyerto ay naging posible sa pagtutulungan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng PHACTO at CCP na bahagi ng isang buwang selebrasyon ng Singkaban Festival 2018 na may temang, “Pamanang Kalinangan ng Nakaraan, Gabay sa Maunlad na Kinabukasan”. A. BORLONGAN

Comments are closed.