BUMILIS ang pagsulong ng panukalang paglikha ng Philippines Space Agency matapos pagtibayin ng Senado ngayong linggo ang “Philippine Spaces Act,” na bersiyon nito ng “Philippine Space Development Act” (HB 8541) na pinagtibay ng mababang kapulungan ng Kamara noong Disyembre.
Ayon kay Albay Rep. Joey Sarte Salceda, ang pangunahing may-akda ng HB 8541 sa pakikipag-ugnayan ng Department of Science and Technology (DOST), sadyang kailangan na ang panukalag ahensiya dahil “mahalaga ito sa pangangalaga sa soberan-ya at integridad ng teritoryo ng bansa, bukod sa lalong palalaguin nito ang loobing makabayan ng mga Filipino.”
Layunin ng panukalang batas ang pagtatag ng malinaw na ‘Philippine Space Development and Utilization Policy’ at likhain ang Philippine Space Agency (PhilSA), katumbas ng National Aeronautics Space Agency ng Estados Unidos. Pinagtibay ng botong 18-0 noong nakaraang Lunes ang pagtatag ng PhilSA kung saan mapupunta ang Philippines Space Science Education Program ng Science Education Institute ng DOST.
Mase-sentro sa PhilSA ang lahat ng gawain ng pamahalaan kaugnay sa ‘space science, engineering’ at kaakibat nitong mga larangan. Isasailalim ito sa DOST at pangungunahan nito ang programa ng ‘space science and technology access and applications, space research including remote sensing’ at pagkalap ng maselang datos kaugnay sa mga kalamidad dulot ng kalikasan, at tugunan ang lumalagong mga pangangailangan ng bansa sa ligtas at malayang karapatan sa kalawakan.
Ayon kay Salceda, binalangkas ang PhilSA bilang pangunahing ahensiya ng Ehikutibong sangay ng gobyerno sa paglikha ng mga panuntunan, pagpaplano, pakikipag-ugnay, pagpatupad at pagsulong sa mga programang pangkalawakan ng bansa. Ang mga ito ay dapat naaayon sa Philippine Space Policy.
Pinuna ni Salceda na ang teknolohiyang pangkalawakan ay bahagi ng mga karaniwang gawain dahil lahat halos ay nauugnay na sa ‘space systems’ gaya ng ‘satellites’ na kailangan sa komunikasyon, pagbiyahe, depensa at seguridad, at pagbabantay sa kalikasan at banta ng kalamidad. “Dahil dito, ang pangkalawakang mga imprastraktura at kakayahan ay itinuturing nang yaman ng mga bansa at lipunan,” dagdag niya.
Ayon sa plano, magkakaroon ng 30 ektaryang lupain ang PhilSA sa loob ng Clark Special Economic Zone sa Pampanga at Tar-lac kung saan itatatag ang tanggapan at ‘research facilities’ nito, bukod sa iba pang lugar kung kailangan.
Pagsasanibin ng ‘bicameral conference committee’ ng Senado at Kamara ang mga pinagtibay nilang bersiyon bago ito isumite sa Malakanyang para sa lagda ng Pangulo. Sa Kamara, matinding suporta ang ibinigay sa panukala ni Salceda nina Bohol Rep. Erico Aristotle C. Aumentado, ‘House science and tech-nology committee chair; Government Reorganization committee chair Rep. JJ Romualdo; Zamboanga Rep. Seth Frederick Jalosjos, appropriations committee vice chair,’ at iba pa.
Comments are closed.