TUWING ika-30 ng Hunyo, simula noong 2002, sa bisa ng Republic Act 9187 ay ipinagdiriwang na natin sa bansa ang Philippine-Spanish Friendship Day o Phil-Span. Ito ay bilang pag-alala sa cultural at historical ties ng dalawang bansa at ipagdiwang ang nabuong pagkakaibigan, higit isang siglo na ang nakararaan.
Ang Phil-Span Friendship Day ay naisabatas dahil sa panukala ng ating yumaong ama, si dating Senador Edgardo Angara, na mas pinahalagahan ang positibong aspeto kahit pa nasadlak sa digmaan ang Pilipinas at ang Espana noong Ikalawang Digmaan. Mababasa sa kasaysayan ng ating bansa na imbes parusahan ang mga sundalong Kastila na kumubkob sa simbahan ng Baler noong mga panahong ‘yun, hinayaan silang mabuhay ng noo’y pinuno ng Pilipinas na si Pangulong Emilio Aguinaldo.
Tatlumpu’t tatlong sundalong Kastila ang nanahan sa Baler Church sa loob ng 11 buwan, na matapos makamit ng ating bansa ang kalayaan, binigyan pa sila ng pagkilala ng ating dating pangulo sa pamamagitan ng isang presidential decree at hinayaang ligtas na makauwi sa kani-kanilang pamilya sa Espana. Ang sabi nga natin, sa ilang okasyon, inaalala natin ang pagbubuwis-buhay ng mga bayani, pero dito sa Phil-Span Friendship Day, ang inaalala at ipinagdiriwang natin ay buhay. Mas pinahalagahan natin ang buhay kaysa magbigay ng parusa sa mga taong nanindigan lang naman para sa kanilang bansa.
Sa ating paggunita sa mahalagang araw na ito noong nakaraang Hunyo 30 sa ating bayan ng Baler, naging panauhin natin si Budget Secretary Amenah Pangandaman na makailang ulit ding naging bahagi ng mga nakaraang selebrasyon, noong siya pa ang pinakamataas na opisyal sa tanggapan ng ating ama. Sabi nga niya, malaking karangalan sa dalawang bansa na mas mapalakas pa ang pagiging magkaibigan sa pagdaan ng panahon. Minsan pang pinatunayan ng Spain ang kanilang pagpapahalaga sa Pilipinas sa panahon ng pandemya. Malaking tulong ang nagawa ng Espana upang magkaroon tayo ng access sa COVID vaccines sa pamamagitan ng COVAX initiatives.
Sa paglalarawan naman ni G. Javier Salido Ortiz, Director General ng Ministry of Foreign Affairs para sa North America, Eastern Europe at Asia, sinabi niyang ang relasyon ng Pilipinas at ng Spain, kumbaga sa pagmamahalan ay talagang meron nang lalim dahil sa koneksyon ng ating kultura at kasaysayan. Malaki ang paniniwala ni G. Ortiz na sa mga darating pang taon, mas lalakas pa ang bilateral relations ng dalawang bansa. Sa katunayan, sabi niya, pinag-uusapan na ng dalawang panig ang economic at financial agreements na sisiguro sa kalakalang mamamagitan sa Pilipinas at Spain.
Bukod sa komemorasyon sa Phil-Span Day at sa Siege of Baler, mas naging maigting ang pagdiriwang dahil kasabay nitong inilusad ang Senator Edgardo J. Angara Convention Center at ang groundbreaking ceremony para sa konstruksyon ng Philippine-Spanish National Museum.
Ang Convention Center po ang pinakamalaking infrastructure project sa Baler nitong nakalipas na dalawampung (20) taon. Ito po ay magsisilbing venue para sa mga mahahalagang pulong, exhibitions na siguradong magiging isa ring pang-akit sa mga turista, lokal man o dayuhan, na nais makita, hindi lamang ang Baler kundi ang kabuuang ng lalawigan ng napakagandang Aurora.
Ito naman pong Philippine-Spanish National Museum, na opisyal na tatawaging National Museum of Baler, ay daragdag din sa tourist destinations sa Aurora dahil makikita sa museong ito ang mga bagay na may kinalaman sa pagkakaibigan ng dalawang bansa, ang kanilang kultura at kasaysayan.
Malaking pasalamat po natin sa sikat at napakagaling na arkitekto na si G. Ed Calma dahil siya po ang nag-disenyo ng nasabing museo.
At bago po natin makalimutan, pasasalamatan po natin si Budget Secretary Mina dahil nagbigay din po sila ng suporta sa pagpapatayo ng Baler museum sa ilalim ng 2024 National Expenditure Program.
Dati, pangarap lamang ng aking yumaong ama na mapaunlad at makilala hindi lamang sa bansa, kundi sa buong globa ang lalawigan ng Aurora at ang bayan ng Baler. Ngayon, narito na ang katuparan ng kanyang pangarap. Batid natin, masaya siya sa kanyang kinaroroonan lalo pa’t unti-unti nang natutupad ang pangarap nyang pag-unlad para sa kanyang bayan at lalawigan.
Nagpapasalamat din po tayo kina Chairman Andoni Aboitiz at Director Jeremy Barnes ng National Museum sa kanilang pagsuporta sa proyektong ito. Maraming salamat din po sa ating Spanish Ambassador to the Philippines Miguel Utray at Chargé ‘d Affaires Richard Espinosa Lobo ng Venezuelan Embassy sa Maynila sa kanilang pakikiisa sa selebrasyon. Asahan po ninyo na tuluy-tuloy po ang pagpapahalaga natin sa pagkakaibigang ito sa mga darating pang panahon at henerasyon.