SINIMULAN na ng Armed Forces of the Philippines at ng kanilang U.S counterpart ang paghahanda kaugnay sa kanilang gagawing taunang joint military war exercise.
Ayon kay Philippine Army Spokesman Col. Xerxes Trinidad, nangunguna ang Philippine Army na lumahok sa isinagawang site survey ng mga lugar na pagdarausan ng RP-US Balikatan 2023 military exercise.
Ito ang ika-38 joint military exercise sa pagitan ng Hukbong Sandatahan ng Pilipinas at ng US Armed Forces.
Inihayag ni Col. Trinidad na kinailangan ang apat na araw na inspeksyon at pagsusuri sa iba’t ibang mga lugar na pagdarausan ng war games sa Northern Luzon na sinimulan nitong Agosto 22 hanggang Agosto 26.
Susundan ito ng isang planning conference sa susunod na linggo sa pagitan ng mga team ng Philippine at US military sa Armed Forces of the Philippines Education, Training and Doctrine Command sa Camp Aguinaldo.
Inaasahang kabilang sa isasagawang sabayang pagsasanay ng mga Pilipino at Amerikanong sundalo ang Field Training Exercises, tampok ang live fire exercises at military urban operations.
“Balikatan is an annual exercise between the AFP and the United States Armed Forces’ Indo-Pacific Command geared at enhancing both forces’ interoperability. The annual bilateral activity is also aimed at strengthening the capacity and competencies of both forces in a spectrum of military operations such as counter-terrorism and humanitarian assistance and disaster response,” pahayag pa ni Col. Trinidad.
VERLIN RUIZ