PINATAOB ng Philippine national women’s football team ang Indonesia, 6-0, upang makausad sa AFC Women’s Asian Cup knockout stages sa unang pagkakataon sa kasaysayan.
Sa panalo laban sa Thailand at Indonesia, kinuha ng Pilipinas ang ikalawang puwesto sa Group B sa likod ng undefeated world no. 11 Australia, at makakasagupa sa quarterfinals ang Chinese Taipei sa Linggo para sa isang puwesto sa 2023 FIFA Women’s World Cup.
Ang panalo ay nagbigay rin sa Pilipinas ng pinakamatikas na group stage finish sa paglahok sa anumang AFC Women’s Asian Cup.
Ang mga Pinay ay hindi pa tumatapos na may dalawang panalo sa group stage ng continental tournament, bago ang torneo ngayong taon.
Mula sa simula ng laban ay dominado ng Pilipinas ang laro kung saan hindi na nila pinaporma ang mga manlalaro ng Indonesia.