KABILANG na ang Manila Central Post Office Building sa mga kinikilalang lugar na naglalarawan ng mayamang kultura at kasaysayan ng bansa.
Ito’y matapos na pormal na itong ideklara ng National Museum, bilang isang “Important Cultural Property” (ICP).
Nabatid na ang National Museum ay may mandato na magdeklara ng mga ari-arian sa Filipinas kung ito ay karapat-dapat na gawing ICP o National Cultural Treasures, na sinususugan ng mga batas tulad ng Republic Act No. 4846 (Cultural Properties Preservation and Protection Act) na inamiyendahan ng Presidential Decree No. 374, Presidential Decree No. 260, Republic Act No.8492 (National Museum Act of 1998) at ang bagong Republic Act No. 10066 (National Cultural Heritage Act of 2009).
Labis naman itong ikinatuwa at ipinagpapasalamat ni Postmaster General Joel Otarra.
Ayon kay Otarra, ang Philippine Postal System ay may mahalagang papel sa kasaysayan ng bansa.
Ito ay itinatag noong 1767 ng mga Kastila at itinayo ang kauna-unahang sangay nito sa Escolta, malapit sa Estero de la Reina at Santa Cruz church.
Nang dumating ang mga Amerikano, itinayo ang Post Office Building sa Maynila, malapit sa Pasig River noong 1926 bilang isang modernong kolonyal na Arkitektura, isang halimbawa ng neo classical na monumento na idinisenyo nina Filipino Architect Juan Arellano at Tomas Mapua sa Maynila. Muli itong itinayo matapos ang World War II.
Napanatili nito ang ganda at tibay ng estruktura hanggang sa kasalukuyang panahon dahil sa pagtutulungan ng Philippine Postal Corporation (PHLPost) at National Commission for Culture and Arts (NCCA).
Nataon naman ang deklarasyon sa pagdiriwang ng Serbisyo Postal sa bansa ang ika -251 taong Anibersaryo at National Stamp Collecting Month (NSCM) ngayong buwan ng Nobyembre.
Inilunsad din sa naturang pagdiriwang ang makulay na “Year of the Pig” commemorative stamps para sa pagsalubong sa taong 2019 at stamp exhibit tampok ang mga selyo ng mga sikat na kolektor sa bansa. ANA ROSARIO HERNANDEZ